PH Discourse
Translate the website into your language:

Nobyo sinunog ang motor ng kasintahan dahil sa matinding selos

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-08 11:10:44 Nobyo sinunog ang motor ng kasintahan dahil sa  matinding selos

Samut Prakan, Bangkok — Dahil sa matinding selos, nauwi sa pagkatupok ng motor ang galit ng isang lalaki, matapos niyang tuluyang sindihan at sunugin ang motorsiklo ng kanyang nobya kagabi.


Kinilala ang suspek na si Man Thep-Uaychai, 30, residente ng Bang Bo District, na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya. Ang biktima ay ang kanyang kasintahan na si Ms. Kingkaew, na halos hindi makapaniwala sa sinapit ng kanyang motor matapos itong gawing “paraan ng paghihiganti” ng nobyo.


Naganap ang insidente sa 333/56, Village No. 13, Soi Thong Prak, likod ng Wat Bon, Khlong Dan Subdistrict, Bang Bo District, kung saan biglang lumiyab ang motorsiklo matapos buhusan umano ng gasolina at sindihan ng galit na si Thep-Uaychai.


Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente nang magduda ang lalaki na muling nakikipagbalikan si Kingkaew sa kanyang ex-boyfriend. Dahil sa matinding selos at galit, hindi na nakapagpigil si Thep-Uaychai at motorsiklo ng nobya ang kanyang pinagbalingan.


Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa insidente ngunit tuluyang naabo ang motor. Mabilis na rumisponde ang mga awtoridad mula sa Bang Bo Police Station at agad na dinakip ang suspek.


Nahaharap ngayon si Thep-Uaychai sa kasong arson of property at posibleng iba pang kaukulang kaso. Samantala, nagpasya si Ms. Kingkaew na ituloy ang reklamo laban sa nobyo na tinawag niyang “mapanganib at hindi na dapat pang pagkatiwalaan.”


Patuloy ang follow-up investigation ng mga pulisya upang alamin kung may iba pang insidente ng pananakit o pananakot na kinasasangkutan ng suspek.

Larawan /google