Abogado na kapangalan ni Meta CEO, nagsampa ng kaso laban kay Mark Zuckerberg
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-15 22:12:28
Setyembre 15, 2025 – Isang abogado mula Indiana, U.S.A. na nagngangalang Mark Zuckerberg ang nagsampa ng kaso laban sa Meta Platforms Inc. at sa CEO nitong kapangalan din niyang si Mark Zuckerberg dahil umano sa paulit-ulit na pag-disable ng kanyang mga social media account.
Batay sa reklamo, mula pa noong 2017 ay limang ulit nang na-disable ang advertising page ng abogado sa Facebook at Instagram, na inakusahan siyang nagkukunwari bilang Meta founder. Sa bawat pagkakataon, nakakatanggap siya ng mensahe mula sa platform na nagsasabing: “We removed your page because you’re trying to impersonate our founder. Nice try, fake Zuck!”
Dahil dito, tinatayang nawalan siya ng humigit-kumulang $11,000 sa advertising fees na hindi na na-refund.
Giit ng abogado, mas matagal na niyang ginagamit ang pangalang Mark Zuckerberg bago pa man sumikat ang Facebook founder. Aniya, matagal na siyang nagpa-practice ng bankruptcy law at nakararanas ng abala sa kaparehong pangalan—kabilang na ang pagtanggap ng daan-daang email para sa CEO at hirap sa simpleng restaurant reservations.
Matapos ang pagsasampa ng kaso at paglobo ng interes ng publiko, kinilala ng Meta ang sitwasyon at nangakong aayusin ang problema.
Ayon sa pahayag ng kumpanya: “We know there are more than one Mark Zuckerberg in the world. We’re working to try to prevent this from happening again.”