Diskurso PH
Translate the website into your language:

ICC prosecutor Karim Khan disqualified sa kaso ni Duterte dahil sa conflict of interest

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-15 07:34:30 ICC prosecutor Karim Khan disqualified sa kaso ni Duterte dahil sa conflict of interest

THE HAGUE, Netherlands — Diskwalipikado na si International Criminal Court (ICC) Chief Prosecutor Karim Khan sa paghawak ng kasong may kinalaman sa umano’y crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong kampanya kontra droga sa Pilipinas.


Batay sa dokumentong nakuha ng Reuters, pinagtibay ng ICC Appeals Chamber ang mosyon ng panig ni Duterte na humihiling na alisin si Khan sa kaso dahil umano sa conflict of interest.


Ayon sa desisyon ng mga hukom, si Khan ay nagkaroon ng dating ugnayan sa Philippines Human Rights Commission (PHRC), kung saan daw siya ay nakilahok sa mga komunikasyon na nagtukoy kay Duterte bilang pangunahing suspek sa mga patayan kaugnay ng war on drugs. Dahil dito, maaring magmukhang biased o may kinikilingan si Khan, kaya’t siya ay tuluyang inediskwalipika sa kaso.


Tinanggihan ni Khan ang mga paratang at iginiit na wala siyang conflict of interest. Gayunman, sa desisyong inilabas noong Oktubre 2, pinanigan ng korte ang panig ng depensa ni Duterte at tuluyang ipinagbawal kay Khan ang anumang pakikialam sa kaso.


Habang naka-leave of absence si Khan, ang kaso laban kay Duterte ay hawak na ngayon ng Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, na kasalukuyan ding humaharap sa mga U.S. sanctions dahil sa imbestigasyon ng ICC sa sinasabing mga war crimes ng Israel sa Gaza.


Si Duterte, na naging Pangulo ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022, ay naaresto noong Marso at dinala sa The Hague matapos maglabas ng arrest warrant ang ICC. Ang warrant ay kaugnay ng libo-libong pagkamatay ng mga hinihinalang tulak at gumagamit ng droga sa ilalim ng kanyang administrasyon.


Mariin namang iginiit ni Duterte na ilegal at parang “kidnapping” ang kanyang pag-aresto. Ang kanyang mga abogado ay nagsabing hindi na siya fit to stand trial dahil sa kanyang edad na 80 taong gulang.


Bago pa ito, noong Agosto, pinatanggal din si Khan sa imbestigasyon sa Venezuela matapos lumabas na ang kanyang bayaw ay abogadong kumakatawan sa gobyerno ni President Nicolas Maduro—isa ring conflict of interest.


Si Khan ay kasalukuyang iniimbestigahan rin dahil sa mga alegasyon ng sexual misconduct, na mariing itinatanggi ng kanyang kampo.


Ang diskwalipikasyon ni Khan ay itinuturing na matinding dagok sa ICC, lalo’t ito na lamang ang isa sa mga malalaking aktibong kaso ng korte matapos salantain ng mga U.S. sanctions.