Kim Delos Santos returns to Pinas after 20 years, ready for showbiz comeback
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-13 11:58:26
MAYNILA — Balik-bansa ang dating teen star ng 90s na si Kim Delos Santos matapos ang mahigit dalawampung taon ng pamumuhay sa Amerika. Sa mga panayam kamakailan, ibinahagi ni Kim ang kanyang mga karanasan bilang isang overseas Filipino worker, ang kanyang personal na paglalakbay, at ang muling pagbabalik sa showbiz.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” inilahad ni Kim ang mga trabahong pinasok niya sa Amerika bago makamit ang pangarap na maging nurse. “’Yung first job ko, I was a cashier. I was helping prepping food, 'yung yogurts in the back. And then nag-coffee shop pa ako. So those are like three different positions. Tapos nag-stock pa ako ng mga office supplies, 'yung tea, sugar, milk sa mga seven floors,” kuwento niya.
Hindi naging madali ang kanyang paglipat sa Amerika. Sa panayam kay Snooky Serna para sa YouTube vlog nito, inamin ni Kim na isa sa mga dahilan ng kanyang pag-alis sa showbiz ay ang kanyang dating relasyon. “Ex ko talaga. I needed to get away from the situation in order for me to grow,” aniya, patungkol sa dating asawang si Dino Guevarra.
Bagama’t wala siyang college degree nang lumipat sa Amerika, nagsumikap si Kim na makapag-aral muli. “Daddy, 10 dollars lang ang kinikita ko ang tanda ko na, ayaw ko ng ganito. Pwede ba ako mag-aral? Tulungan mo ako,” paggunita niya sa pakikipag-usap sa kanyang ama. Sa tulong nito, nakapagtapos siya ng nursing at ngayon ay nagtatrabaho na bilang nurse sa isang ospital sa U.S..
Sa kabila ng mga hamon, nagpapasalamat si Kim sa mga karanasang nagturo sa kanya ng kababaang-loob. “So I left here broken-hearted, but it was replaced with me being able to go back to school, experiencing my life in America, and then humbling myself. Alam mo, lahat ng pag-humble ko galing sa paghihirap sa trabaho,” aniya.
Ngayon, bukas na muli si Kim sa posibilidad ng pagbabalik-showbiz. “Game uli ako sa showbiz,” ani Kim sa panayam ng Bandera.
Ang pagbabalik ni Kim Delos Santos ay hindi lamang pagbabalik sa kanyang pinanggalingan, kundi patunay ng kanyang katatagan, determinasyon, at kakayahang bumangon mula sa mga pagsubok.
Screengrab mula sa Fast Talk With Boy Abunda