PH Discourse
Translate the website into your language:

100 deaf students, sabay-sabay nanood ng ‘Green Bones’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-29 09:13:38 100 deaf students, sabay-sabay nanood ng ‘Green Bones’

MAYNILA — Mahigit 100 estudyanteng may kapansanan sa pandinig ang sabay-sabay na nanood ng inspirational-drama film na Green Bones sa isang espesyal na block screening, bilang bahagi ng adbokasiya para sa inklusibong sining at mas malawak na representasyon ng deaf community sa pelikula.

Ang Green Bones, opisyal na entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF), ay tumanggap ng papuri mula sa deaf audience dahil sa makatotohanang pagganap ng mga karakter at malinaw na paggamit ng Filipino Sign Language (FSL). Tampok sa pelikula ang batang aktres na si Sienna Stevens, na ginampanan ang papel ng isang batang may kapansanan sa pandinig—isang pagganap na nagpanalo sa kanya ng Best Child Performer sa MMFF awards night.

Upang maging tapat sa representasyon, natuto ring mag-sign language ang iba pang cast members tulad nina Dennis Trillo, Mikoy Morales, at Royce Cabrera. Ayon sa deaf audience member na si Maria, “Clear ‘yung [sign language] and all. It’s really touching [dahil] nandoon kami as a deaf representative. We saw how he (Dennis Trillo) signed and we’re really proud of it. Ang ganda ng facial expression niya and wow it’s amazing”.

Isa pang manonood, si Camille Lim, ay nagpasalamat sa pagkakaroon ng subtitles sa pelikula. “Without the subtitles I don’t think I will understand the movie pero because of the subtitles and the expressions of the people, I was able to understand it fully,” ani Camille, na kamakailan ay sumailalim sa cochlear implant.

Ang screening ay isinagawa upang ipakita ang kahalagahan ng representation matters sa mainstream media, lalo na para sa mga sektor na madalas hindi nabibigyan ng boses. Patuloy na mapapanood ang Green Bones sa mahigit 180 sinehan sa buong bansa.