Silipin ang bonggang buhay ni Jammy Cruz, ang nepo baby ng Sto. Cristo Construction
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-02 18:34:34
SETYEMBRE 2, 2025 — Sa gitna ng mga kontrobersiyang bumabalot sa mga flood control projects ng gobyerno, isang pangalan ang biglang sumikat sa social media: si Jammy Cruz, anak ng negosyanteng si Noel Cruz ng Sto. Cristo Construction and Trading Inc. Sa mga viral na video at larawan, kitang-kita ang marangyang pamumuhay ng dalagang vlogger — mula sa designer bags hanggang sa mga biyahe sa Europa — na tila salamin ng yaman at impluwensiyang nakapaligid sa kanyang pamilya.
Si Jammy, isang certified public accountant at content creator, ay naging usap-usapan matapos lumabas ang ulat na ang kompanya ng kanyang ama ay nakakuha ng mahigit ₱3.5 bilyong halaga ng flood control projects mula 2022 hanggang 2024.
Sa isang lumang panayam sa Preview Magazine, ipinagmalaki ni Jammy ang kanyang pink Chanel Mini Rectangular Flap na may Pearl Crush strap — isang bag na tinatayang nagkakahalaga ng higit ₱200,000.
“Sobrang na-ROI ko na ’to,” ani Jammy, sabay banggit ng versatility ng bag bilang crossbody, handbag, shoulder bag, at belt bag.
Bukod sa Chanel, ipinakita rin ni Jammy ang iba’t ibang mamahaling gamit sa kanyang social media accounts, kabilang ang mga Fendi at Versace pieces. Sa isang vlog, makikita siyang dumalo sa Fendi Fashion Show sa Paris, suot ang multicolor silk jacket na tinatayang nasa ₱170,000 ang halaga.
Pero sa kabila ng kanyang glamorosong aura at designer wardrobe, hindi rin nakaligtas si Jammy Cruz sa mapanuring mata ng publiko — lalo na pagdating sa kanyang pisikal na anyo.
Sa comment section ng mga viral images and videos niya, may mga netizen na lantaran ang pintas.
“Mas malaki pa ang bewang niya kaysa sa Chanel bag niya,” tukso ng isa, habang ang iba’y nagbiro na “Parang nawawala ang leeg sa sobrang posing.”
May isa ding nagsabing, “Kung may ghost projects, may ghost neck din pala!” samantalang may isa pang nagsabing, “Bakit mukhang fake pag siya ang nagdala?”
May nagsabi namang ang kanyang fit ay “hindi pang runway kundi pang floodway,” sabay turo sa tila hindi proportionadong katawan sa mamahaling kasuotan.
Sa social media, kung saan ang pisikal na anyo ay talagang madalas na inuusisa, kahit ang kaunting bilbil o awkward na anggulo ay nagiging mitsa ng pintasan — isang paalala na sa mata ng masa, ang karangyaan ay hindi laging sapat para takpan ang tunay na anyo.
Matapos lumaganap ang mga batikos online, isinara na ni Jammy ang kanyang YouTube channel at ginawang private ang kanyang Instagram account.
Ang Sto. Cristo Construction, na pinamumunuan ni Noel Cruz, ay isa sa mga kumpanyang nabanggit sa mga dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakakuha ng malalaking kontrata sa ilalim ng flood control program ng gobyerno. Dahil dito, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lifestyle check sa mga opisyal ng DPWH at mga kaanak ng contractors na tila namumuhay nang marangya habang ang mga mamamayan ay lumulubog sa baha.
Bagamat nananatiling tahimik si Jammy sa gitna ng kontrobersiya, patuloy ang diskusyon sa social media tungkol sa “nepo babies” o mga anak ng mayayamang negosyante na tila walang pakialam sa mga isyung kinakaharap ng ordinaryong Pilipino.
Sa mata ng publiko, ang kanyang mga post ay hindi lamang larawan ng karangyaan, kundi paalala ng agwat sa pagitan ng kapangyarihan at karaniwang mamamayan.
Sa ngayon, nananatiling misteryoso si Jammy sa likod ng kanyang mga deleted videos at private accounts, na tila nagtatago habang naghihintay (at umaasa) na humupa ang isyung kinsasangkutan ng kanyang pamilya.
Ngunit sa mata ng netizens, ang kanyang kwento ay patuloy na nagbibigay-liwanag sa malaking tanong — Sinu-sino nga ba ang mga tunay na nakikinabang sa mga bilyong-halagang proyekto ng bayan?
(Photo: Facebook)