Pilipinas kinilalang Asia’s Best Retirement Destination
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-16 08:13:04
December 15, 2025 — Kinilala ang Pilipinas bilang Asia’s Best Retirement Destination sa ginanap na 11th TripZilla Excellence Awards, ayon sa Department of Tourism (DOT). Ang parangal ay nakikitang patunay ng tumitinding kumpiyansa ng pandaigdigang komunidad sa bansa, hindi lamang bilang destinasyon ng mga turista kundi bilang tahanan para sa mga retirado.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, “This award affirms what the global community increasingly sees; the Philippines is not only a beautiful place to visit but also a place to call home.” Dagdag pa niya, ang mga retirado ay naaakit sa bansa dahil sa kultura ng Filipino hospitality, compassion, at care na lampas sa tanawin at likas na yaman.
Binanggit ng DOT na ang pagkilala ay bunga ng whole-of-government approach ng administrasyong Marcos upang gawing pangunahing haligi ng turismo ang retirement sector. “We take this recognition as a call to further strengthen world-class programs and services that uphold the dignity, comfort, and well-being of those who choose to spend the best years of their lives here,” ani Frasco.
Kasabay ng parangal bilang Best Retirement Destination, kinilala rin ang Pilipinas ng TripZilla bilang Best Dive Destination at Destination of the Year, na nagpapakita ng lawak ng atraksyon ng bansa sa iba’t ibang uri ng manlalakbay.
Ayon sa DOT, katuwang nila ang Philippine Retirement Authority (PRA) sa pagpapatibay ng retirement tourism sa pamamagitan ng mga insentibo gaya ng Special Resident Retiree’s Visa (SRRV), mas pinahusay na access sa healthcare, at mga programang nakatuon sa kaginhawaan ng mga dayuhan at balikbayan na nais magretiro sa bansa.
Binanggit din ni Frasco na ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino ay isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit pinipili ng mga dayuhan ang bansa bilang kanilang bagong tahanan. “Retirees choose the Philippines because the warmth of our country transcends our destinations and is deeply rooted in our culture of care, hospitality and compassion,” aniya.
Ang pagkilala mula sa TripZilla ay inaasahang magpapalakas pa sa posisyon ng Pilipinas bilang global retirement hub, na makatutulong sa ekonomiya sa pamamagitan ng mas mataas na foreign investments, turismo, at employment opportunities sa sektor ng healthcare at hospitality.
