LTO: driver’s licenses ng ‘BGC boys’, suspendido!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-11 15:11:33
SETYEMBRE 11, 2025 — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang mga driver’s license ng limang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan matapos mabistong gumagamit ng pekeng ID para makapasok sa mga casino.
Kinilala ang mga nasangkot na sina Henry Alcantara (dating OIC Assistant Regional Director), Brice Ericson Hernandez (District Engineer), Jaypee Mendoza (Assistant District Engineer), Arjay Domasig (Project Engineer), at Edrick San Diego (Engineer II). Kilala umano ang grupo sa casino circles bilang “BGC boys” o Bulacan Group of Contractors.
Ayon sa LTO, ang suspensiyon ay bunsod ng “willful misrepresentation” sa aplikasyon ng lisensya at paggamit ng maling pagkakakilanlan, mga paglabag sa RA 10930 at Section 31 ng RA 4136.
Sa isinagawang pagdinig sa Senado noong Setyembre 8, inamin ni Alcantara na gumamit siya ng alyas at pekeng lisensya para makapasok sa casino.
“Based on the Senate hearing dated 08 September 2025, Mr. Alcantara was found using driver's license under the alias ‘Joseph Castro Villegas.’ Upon verification, it was confirmed that the license in question was fraudulent and not issued by this Office,” ayon sa show-cause order ng LTO.
(Batay sa pagdinig sa Senado noong 08 Setyembre 2025, si G. Alcantara ay natuklasang gumagamit ng lisensya sa ilalim ng alyas na ‘Joseph Castro Villegas.’ Sa beripikasyon, nakumpirmang peke ang lisensya at hindi ito inisyu ng aming tanggapan.)
Dagdag pa ng LTO, ginamit umano ang pekeng ID upang makaiwas sa pananagutan at umiwas sa mga dating parusa.
Batay sa ulat ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), umabot sa P950 milyon ang kabuuang talo ng grupo sa 13 casino sa Metro Manila, Pampanga, at Cebu. Ayon kay Senador Panfilo Lacson, higit P1 bilyon ang kabuuang halaga ng kanilang transaksyon sa casino.
Bukod sa isyu ng lisensya, sina Alcantara at Hernandez ay iniimbestigahan din sa Senado at Kamara kaugnay ng flood-control projects na umano’y ibinibigay sa mga kontratista kapalit ng porsyento sa kita.
Pinaalalahanan ng LTO ang grupo na magsumite ng paliwanag sa Biyernes.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza, “The minimum is perpetual revocation ng authentic license nila at perpetual disqualification — use of fake license ‘yan.”
(Ang pinakamababa ay tuluyang pagbawi ng tunay nilang lisensiya at habambuhay na diskwalipikasyon — paggamit ‘yan ng pekeng lisensiya.)
Bawal sa mga empleyado ng gobyerno ang pagsusugal, alinsunod sa Administrative Code of 1987 at Memorandum Circular No. 6 ng Office of the President.
(Larawan: Philippine News Agency | Facebook)