Diskurso PH
Translate the website into your language:

6 kandidato sa Senado, nabuking na tumanggap ng donasyon sa contractors

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-09 09:24:51 6 kandidato sa Senado, nabuking na tumanggap ng donasyon sa contractors

MANILA — Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na anim na kandidato sa pagka-senador noong 2022 elections ang nakatanggap ng campaign donations mula sa mga government contractors, batay sa isinagawang audit ng kanilang Campaign Finance Office (CFO).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, “We found at least six senatorial candidates who received contributions from entities or individuals with active government contracts at the time of the elections.” Dagdag pa niya, ang naturang donasyon ay labag sa Section 95 ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa mga contractor ng gobyerno na magbigay ng kontribusyon sa mga kandidato.

Hindi pa isinapubliko ng Comelec ang mga pangalan ng naturang kandidato habang isinasagawa pa ang legal review at validation ng mga dokumento. “We are carefully verifying the nature of the contracts and the timing of the donations. Due process must be observed,” ani Garcia.

Batay sa ulat ng CFO, ang mga donasyon ay nagmula sa mga kumpanyang may kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), at ilang local government units, kabilang ang mga proyekto sa farm-to-market roads at flood control systems.

Ayon sa Comelec, posibleng maharap sa administrative at criminal liability ang mga kandidatong tumanggap ng naturang donasyon, lalo na kung mapatunayang may malasadyang paglabag sa batas. “We are coordinating with the Office of the Ombudsman and the Anti-Money Laundering Council (AMLC) to trace the flow of funds,” dagdag ni Garcia.

Samantala, nanawagan ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ng transparency at accountability, at hiniling sa Comelec na isapubliko ang buong listahan ng campaign donors ng lahat ng kandidato. “Voters deserve to know who is funding their leaders. This is a matter of public interest,” ayon kay LENTE Executive Director Ona Caritos.

Ang isyu ay lumutang kasabay ng mas malawak na imbestigasyon sa anomalya sa infrastructure spending, kung saan sangkot ang ilang contractor na konektado sa Discaya couple, na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado.