₱13.2M halaga ng carrots mula China, tinangkang ipuslit bilang napkins, storage boxes
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-23 16:59:45
MANILA — Kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang ₱13.2 milyong halaga ng puslit na carrots mula China sa Port of Manila, matapos matuklasan ang tatlong 40-foot container na naglalaman ng higit 53,000 kilo ng sariwang carrots na maling idineklara bilang mga bathroom fixtures, napkins, at storage boxes.
Ayon sa BOC, dumating ang mga container noong Oktubre 2, 2025, ngunit dahil sa isang “derogatory report” mula sa Alert Monitoring Unit, agad na naglabas ng alert order si District Collector Alexander Gerard Alviar noong Oktubre 8. Isinagawa ang full physical examination noong Oktubre 17, kung saan natuklasan ang laman ng shipment.
“We are already preparing the necessary legal actions against those responsible,” pahayag ni Customs Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla. Dagdag pa niya, “Misdeclaration is a deliberate act to deceive the government and harm our farmers. The BOC will pursue this case with due process and determination.”
Naglabas na rin ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC laban sa shipment, bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa agricultural smuggling na nagdudulot ng pinsala sa lokal na produksyon at ekonomiya.
Ang insidente ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga port upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa hindi patas na kompetisyon mula sa mga puslit na produkto.
Larawan mula Bureau of Customs PH