Navy dumistansya: Guteza ‘di namin hawak, retirado na mula 2020
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-30 13:01:10
MANILA — Mariing pinabulaanan ng Philippine Navy ang mga ulat na nasa kanilang kustodiya o proteksyon si Orly Regala Guteza, isang retiradong miyembro ng Philippine Marine Corps, matapos itong lumutang bilang testigo sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y flood control scam.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez na “The Philippine Navy emphasizes that Mr. Orly Regala Guteza has been retired from the Philippine Marine Corps since June 30, 2020. As a retired serviceman, he no longer falls under the administrative authority of the Philippine Navy.”
Dagdag pa ni Martinez, anumang aktibidad o pakikipag-ugnayan ni Guteza sa kasalukuyan ay ginagawa niya sa kanyang personal na kapasidad. “It must be also made clear that Mr. Orly Regala Guteza is not under the protection of the Philippine Marine Corps, which has no involvement in his personal affairs,” aniya.
Ang pahayag ay tugon sa alegasyon ni dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, na nagsabing nasa kustodiya ng Navy si Guteza mula nang humarap ito sa Senado noong Setyembre 25, kung saan idinawit niya ang ilang mambabatas sa kontrobersyal na proyekto. Ayon pa kay Defensor, si Guteza ay muntik nang maambush nitong Oktubre ngunit hindi nasaktan, at ang mga suspek ay umano’y nahuli ng mga Marines.
Si Guteza ay dating staff ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na nagbitiw sa puwesto matapos lumutang ang mga alegasyon. Gayunpaman, binigyang-diin ng Navy na wala silang kinalaman sa anumang personal na galaw ni Guteza, at hindi siya saklaw ng kanilang awtoridad bilang retiradong sundalo.
Ang isyu ay patuloy na sinusubaybayan ng publiko, lalo na’t may mga tanong sa kredibilidad ng mga dokumentong isinumite ni Guteza sa Senado. Ayon sa ulat, isang korte sa Maynila ang naglabas ng ruling na peke ang pirma ng abogado sa kanyang sworn statement.
Sa gitna ng kontrobersiya, nanindigan ang Philippine Navy na nananatili silang neutral at hindi bahagi ng anumang personal o legal na usapin ni Guteza.
