Diskurso PH
Translate the website into your language:

Discaya luxury cars, muling isusubasta sa Dec. 5 sa mas mababang presyo

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-02 10:32:36 Discaya luxury cars, muling isusubasta sa Dec. 5 sa mas mababang presyo

DISYEMBRE 2, 2025 — Muling isasalang sa subasta ng Bureau of Customs (BOC) ang apat na natitirang mamahaling sasakyan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa darating na Disyembre 5, matapos mabigo ang unang bentahan noong Nobyembre. Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian at para mabawi ang mga ari-ariang nakaugnay sa kontrobersyal na flood control scandal.

Ayon kay BOC Deputy Chief of Staff Chris Noel Bendijo, inaasahang makakalikom ng humigit-kumulang P50 milyon mula sa ikalawang subasta, na direktang ilalagay sa pambansang kaban.

Heto ang apat na sasakyang isasalang sa subasta:

  • Toyota Tundra (2022) 
    • Floor price: P3,473,253.97 
    • Bond: P347,325.00
  • Toyota Sequoia (2023) 
    • Floor price: P4,669,554.50 
    • Bond: P466,955.00
  • Rolls-Royce Cullinan (2023) 
    • Floor price: P36,281,415.72 
    • Bond: P1,814,071.00
  • Bentley Bentayga (2022) 
    • Floor price: P13,878,800.38 
    • Bond: P693,940.00

Kinakailangan ng bawat bidder na maglagay ng bond para sa sasakyang nais nilang salihan. Ang bond ay ibabawas sa kabuuang bayad ng mananalo, habang ang matatalo naman ay ibabalik. May karagdagang non-refundable registration fee na P5,050.

Sa unang subasta noong Nobyembre 20, tatlong sasakyan lamang ang naibenta sa halagang P38.21 milyon. Nakuha ng Simplex Industrial Corp. ang dalawang unit, habang Lesentrell Jewelries ang isa. Ang mga ito ay kinabibilangan ng Mercedes-Benz G63 AMG (2022), Mercedes-Benz G500 Brabus (2019), at Lincoln Navigator L (2021).

Kabuuang pitong sasakyan ng Discaya ang nakumpiska dahil sa kakulangan ng import permits, hindi nabayarang buwis, at kulang na dokumento. Anim pang luxury vehicles ang nananatiling iniimbestigahan ng BOC.

Ang mag-asawang Discaya, kilalang kontraktor sa flood control projects, ay iniimbestigahan ng Kongreso, Ombudsman, Department of Justice, at Independent Commission for Infrastructure. Inaasahan silang haharap sa kaso sa Sandiganbayan matapos umamin sa pagbabayad ng kickbacks at pagkakasangkot sa mga ghost at substandard projects.

Kung muling mabigo ang subasta, sinabi ng BOC na gagamitin ang direktang alok, kung saan tatanggapin ang mga bid mula sa mga interesadong partido batay sa halaga ng mga sasakyang nasamsam.



(Larawan: Philippine News Agency)