DOLE nagpaalala: 13th-month pay, dapat ibigay bago mag-Dec. 24
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-02 10:30:40
DISYEMBRE 2, 2025 — Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat ng pribadong kumpanya na obligadong ibigay ang 13th-month pay ng kanilang mga empleyado bago sumapit ang bisperas ng Pasko. Sa inilabas na Labor Advisory No. 16, binigyang-diin ng ahensya na walang puwang para sa palugit o exemption.
“The 13th-month pay is a statutory right of workers. Employers must ensure timely and full compliance, as this benefit is crucial in supporting Filipino families during the holiday season,” ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
(Karapatan sa batas ng mga manggagawa ang 13th-month pay. Dapat tiyakin ng mga employer ang maagap at kumpletong pagbibigay nito, dahil mahalaga itong suporta sa mga pamilyang Pilipino tuwing kapaskuhan.)
Sakop ng benepisyo ang lahat ng rank-and-file employees sa pribadong sektor na nakapagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa loob ng taon. Kasama rito ang mga binabayaran sa piece-rate, may fixed o guaranteed wage na may komisyon, mga may higit sa isang employer, at maging ang mga nagbitiw, natanggal, o nag-maternity leave na may salary differential.
Itinakda ng DOLE na ang minimum na halaga ng 13th-month pay ay katumbas ng isang-kalabindalawa (1/12) ng kabuuang basic salary na kinita ng empleyado sa buong taon. Nilinaw din ng ahensya na hindi kabilang sa computation ang overtime pay, night shift differential, cost-of-living allowance, at iba pang benepisyo maliban na lamang kung tahasang isinama sa basic salary ng kompanya o collective agreement.
Kasabay nito, inatasan ang mga employer na magsumite ng compliance report sa DOLE Online Compliance Portal (https://reports.dole.gov.ph/) hanggang Enero 15, 2026. Dapat ilahad sa ulat ang detalye ng kumpanya, kabuuang bilang ng empleyado, mga nakatanggap ng benepisyo, eksaktong halagang ibinigay, at contact information para sa beripikasyon.
Nagbabala ang DOLE na magsasagawa ng inspeksyon at follow-up ang kanilang regional at field offices upang matiyak ang pagsunod sa patakaran. Ang hindi pagtupad ay maaaring magresulta sa kaukulang parusa sa ilalim ng labor laws.
Sa gitna ng papalapit na kapaskuhan, iginiit ng DOLE na ang 13th-month pay ay hindi lamang obligasyon ng mga employer kundi mahalagang tulong para sa mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya.
(Larawan: Department of Labor and Employment - DOLE)
