Diskurso PH
Translate the website into your language:

Cebu Provincial Government, mabilis na tumugon sa kalunos-lunos na kalagayan ng isang matanda matapos itong mai-post sa sa social media

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-13 00:28:01 Cebu Provincial Government, mabilis na tumugon sa kalunos-lunos na kalagayan ng isang matanda matapos itong mai-post sa sa social media

CEBU — Mabilis na tumugon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu matapos ilabas ng photojournalist na si Jacq Hernandez sa Proud Bisaya Bai Facebook page ang kalunos-lunos na kalagayan ni Pedrito Davin, 69-anyos, residente ng Purok Kolo, Barangay Estaca, Compostela.

Ngayong Disyembre 12, agad na nagpadala ang Kapitolyo, sa direktiba ni Governor Pamela Baricuatro, ng medical team mula sa Cebu Provincial Hospital (CPH)–Danao City upang siyasatin ang kaniyang kundisyon. Personal din siyang binisita ni Dr. Nikki Catalan, Piso Public Health Consultant ng Kapitolyo, na nangakong sasagutin ng ospital ang lahat ng kanyang pangangailangang medikal—mula gamot, operasyon, hanggang treatment.

“We heard you. We read Proud Bisaya Bai’s post, and as part of the Cebu Province, we acted on it,” ayon kay Dr. Catalan sa kanyang social media post. Inilahad din niya na nasa Emergency Room ng CPH–Danao si Tatay Pedrito at kasalukuyang mino-monitor habang hinihintay ang resulta ng laboratory test at ang availability ng kama para sa inpatient admission.

Ayon sa ulat na nag-viral sa social media, napag-alamang mag-isa lamang naninirahan si Tatay Pedrito sa isang 8-by-10-foot na barung-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping yero at kahoy. Lupa ang sahig nito na nagiging maputik tuwing umuulan. Apat na taon na ang nakalilipas mula nang mabalian siya ng likod matapos mahulog habang tumutulong sa kapitbahay. Dahil sa kawalan ng pera para sa ₱90,000 na operasyon, hindi siya kailanman nabigyan ng tamang gamutan. Simula noon ay lumala ang kanyang kondisyon—namamaga ang mga binti at nahihirapang tumayo.

Dahil wala siyang pamilya, umaasa lamang siya sa kabutihan ng kapitbahay na si Eliza Larosa, na tumutulong linisin ang kanyang tahanan at minsan ay nagpapakain sa kanya. Ngunit malinaw na nangangailangan si Tatay Pedrito ng agarang medical care, pagkain, damit, solar lighting, basic necessities, at mas ligtas na tirahan.

Sa ngayon, tiniyak ng Kapitolyo na nasa mabuting kamay si Tatay Pedrito. “He is under the care of our medical team, and his neighbor, Ma’am Eliza, is accompanying him so he is not alone. We will also do our best to locate his family members so that he will be properly supported after discharge,” dagdag ni Dr. Catalan.

Pinuri ng publiko ang mabilis na aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan, na nagpapakita ng direktiba ni Governor Baricuatro na gawing accessible ang de-kalidad na serbisyong medikal para sa lahat ng Cebuano, lalo na sa pinaka-nanganganib at walang kakayahang mapangalagaan ang sarili.

Patuloy namang nag-uumapaw ang suporta mula sa mga netizen para kay Tatay Pedrito, at siniguro ng Kapitolyo na tututukan nila ang kanyang kalagayan hanggang siya ay ganap na makarekober at makauwi nang ligtas. “Thank you to everyone who raised concern for Tatay Pedrito. Your compassion helps us reach those who might otherwise be left behind,” sabi ni Dr. Catalan. (Larawan: Cebu Province / Facebook)