Diskurso PH
Translate the website into your language:

Viral driver na nambatok sa nag-kariton, kapatid pala ni Pokwang

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-16 11:15:23 Viral driver na nambatok sa nag-kariton, kapatid pala ni Pokwang

MANILA — Nagsalita na ang komedyanteng si Pokwang kaugnay ng nag-viral na video kung saan isang lalaking umano’y naka-hilux at nasangkot sa mainit na pagtatalo sa kalsada. Sa isang video message na inilabas noong December 16, kinumpirma ni Pokwang na ang lalaking nasangkot sa insidente ay kanyang kapatid.

Ayon kay Pokwang, totoo ang kumakalat na video at aminado siyang may nagawang mali ang kanyang kapatid. Gayunman, iginiit niyang hindi dapat idamay ang buong pamilya sa nagawang pagkakamali ng isa. Aniya, “Ang kasalanan po ni Pedro ay hindi pwedeng maging kasalanan ni Juan. Maaaring iisa kami ng apelyido pero hindi naman po kami pareho ng pag-iisip at gawain.”

Direktang humingi ng paumanhin si Pokwang sa mga taong nakaalitan ng kanyang kapatid, lalo na sa isang menor de edad na nadamay sa insidente. “Ako po yung humihingi ng dispensa doon po sa kanyang nakaalitan at lalong-lalo na po doon sa anak na babae. Pasensya ka na, iha,” pahayag niya, sabay pangakong dadalawin ang bata.

Nilinaw rin ng komedyante na hindi niya kinakampihan ang naging asal ng kanyang kapatid. “Hindi po ako natutuwa at hindi ko po dapat kampihan yung nangyari sa kapatid ko,” ayon kay Pokwang, bagama’t hiniling niyang isaalang-alang din ang posibilidad na may iba pang panig ang kuwento.

Kasabay nito, nanawagan siya sa publiko na tigilan ang patuloy na pagpo-post at pagkalat ng larawan ng kanyang buong pamilya. Paalala niya, may hangganan ang pagbibigay ng opinyon online. Binanggit niya ang usapin ng cyberbullying at cyber libel, at sinabing hindi makatarungang buong pamilya ang nadadamay sa isang pagkakamali.

Nagpasalamat din si Pokwang kay Antipolo City Mayor Junjun Ynares sa pagtulong sa pag-aayos ng sitwasyon. May paalala rin siya sa ilang pulitikong nakisawsaw sa isyu kahit hindi umano taga-Antipolo. Aniya, “Ingat po kayo sa mga post ninyo. Alam ninyo dapat ang cyber libel at cyberbullying.”

Muling nagpaabot ng paghingi ng tawad si Pokwang sa pamilyang nakaalitan ng kanyang kapatid at nanawagan ng respeto at pag-iingat sa mga komento at post sa social media.