Mahigit 16,000 guro na-promote sa bagong DepEd system
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-18 08:36:38
December 17, 2025 — Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na mahigit 16,000 public school teachers ang opisyal nang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system, habang nasa 41,000 pa ang kasalukuyang pinoproseso para sa susunod na batch ng promosyon.
Ayon sa DepEd, sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara, na-promote na ang 16,025 teachers at ang 41,183 promotions ay naipasa na sa Department of Budget and Management (DBM) para sa pag-apruba. “Maraming guro ang matagal nang handang ma-promote ngunit hindi agad natutugunan. Sa ilalim ng ECP, mas mabilis na nararamdaman ng mga guro ang career advancement habang aktibo pa silang nasa serbisyo,” ani Angara.
Binanggit ng DepEd na ang ECP system ay naglalayong tugunan ang matagal nang hinaing ng mga guro na kadalasang napopromote lamang malapit na sa kanilang pagreretiro. Sa bagong sistema, mas maagang nakikilala ang kanilang kontribusyon at mas nabibigyan ng pagkakataon para sa career growth at mas mataas na sahod.
Dagdag pa ng DepEd, ang promosyon ay bahagi ng mas malawak na reporma sa sektor ng edukasyon na nakatuon sa teacher welfare, motivation, at retention. “This milestone marks a major step in recognizing and rewarding educators’ service while boosting morale across the country’s classrooms,” ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya.
Samantala, positibo ang naging reaksyon ng mga guro at education stakeholders sa hakbang na ito. Para sa kanila, ang mas maagang promosyon ay hindi lamang nagbibigay ng insentibo kundi nagiging inspirasyon din upang mas pagbutihin ang pagtuturo. Naniniwala ang DepEd na ang pagtaas ng morale ng mga guro ay direktang makakaapekto sa kalidad ng edukasyon sa bansa.
Ang Expanded Career Progression system ay inaasahang magpapatuloy sa mga susunod na taon, na magbibigay ng mas malinaw na landas para sa mga guro mula sa entry-level hanggang sa mas mataas na ranggo.
