Volleyball: Belen opisyal nang Solar Spiker; Bagunas balik-Japan, makakalaro si Nishida
Ace Alfred Steel Ipinost noong 2025-07-18 10:33:34
July 17 - Opisyal nang miyembro ng Capital1 Solar Spikers si Bella Belen matapos lagdaan ang kanyang kontrata kahapon, ayon sa anunsyo ni team co-owner Milka Romero.
Sa pamamagitan ng social media, inanunsyo ni Romero ang pagpasok ni Belen sa Premier Volleyball League (PVL) expansion team: “Welcome to the Capital1 family.”
Bagama’t hindi isinapubliko ang eksaktong detalye ng kontrata, inaasahang tumanggap si Belen ng minimum na tatlong taong deal na may buwanang sahod na hindi bababa sa ₱165,000 — bilang top rookie pick ng PVL at batikang UAAP MVP.
Hindi pa agad masusuotan ng jersey ang dating NU Lady Bulldog dahil sa kanyang national team commitments sa Alas Pilipinas, at inaasahang magsusuot ng Solar Spikers uniform sa Oktubre pa.
Samantala, muling magbabalik sa Japan si Bryan Bagunas matapos mapili ng Osaka Blueton para sa panibagong season sa Japan V.League. Mas lalo pang inaabangan ang kanyang pagbabalik dahil makakasama niya ang Japanese superstar na si Yuji Nishida sa iisang koponan.
Matapos ang matagumpay na tatlong taon sa Taiwan kasama ang Win Streak — kung saan nagtala siya ng dalawang kampeonato at isang MVP award — balik-internasyonal si Bagunas, na huling naglaro sa lokal na liga sa ilalim ng Cignal sa Spikers’ Turf.