PH Discourse
Translate the website into your language:

Pacquiao posibleng makaharap si Rolly Romero sa Disyembre

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-01 17:18:02 Pacquiao posibleng makaharap si Rolly Romero sa Disyembre

MANILA — Matapos ang kanyang matagumpay na pagbabalik sa ring noong Hulyo, lumilitaw na si reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Rolly Romero ang nangungunang kandidato bilang susunod na makakalaban ni boxing legend Manny Pacquiao ngayong Disyembre.

Ayon kay Sean Gibbons, tagapayo ni Pacquiao, “All of the stories are out there and Rolly Romero (17-2, 13 KOs) is one of the frontrunners because Manny (62-8-3, 39 KOs) wants meaningful fights. He wants to break his own records and make history, just like when he won the world title at 40 years old”.

Si Pacquiao, 46, ay nagtapos sa isang four-year retirement sa pamamagitan ng isang draw laban sa WBC titlist Mario Barrios noong Hulyo. Bagamat hindi siya nanalo, pinahanga niya ang marami sa kanyang performance, na nagpatunay na kaya pa niyang makipagsabayan sa mga mas batang boksingero.

Si Romero, isang slugger na gaya ni Pacquiao, ay lumalaban sa ilalim ng Premier Boxing Champions (PBC), dahilan kung bakit mas madali ang negosasyon para sa laban. Bukod kay Romero, isinasaalang-alang din ng kampo ni Pacquiao sina Ryan Garcia at Mario Barrios, ngunit may mga hadlang sa kanilang posibleng pakikipaglaban. “A fight with Ryan Garcia has been discussed but he’s a complicated guy to deal with… Mario Barrios is a great guy, but unfortunately, he doesn’t sell,” dagdag ni Gibbons.

Si Romero ay sariwa pa mula sa kanyang panalo kontra kay Garcia via unanimous decision, kung saan nakuha niya ang WBA Regular belt na kalaunan ay naging Super status matapos magdesisyon si Jaron Ennis na umakyat sa super welterweight division.

Bagamat wala pang pinal na anunsyo, inaasahang magdedesisyon ang kampo ni Pacquiao sa mga susunod na linggo. “Both Manny and Rolly are with PBC. We’ll make some decisions and evaluate what’s ahead for the rest of 2025 and into 2026,” ani Gibbons.

Kung matuloy ang laban, ito ay magiging isa na namang makasaysayang yugto sa karera ni Pacquiao—isang pagkakataon upang patunayan na kahit sa edad na 46, nananatili siyang banta sa mundo ng boksing.