Dayuhang negosyante, pwede nang mag-lease ng lupa sa Pinas nang halos isang siglo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-05 19:34:56
SETYEMBRE 5, 2025 — Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12252 na nagpapahintulot sa mga dayuhang mamumuhunan na umupa ng lupa sa Pilipinas nang hanggang 99 taon — malaking pag-angat mula sa dating limitasyong 50 taon na may dagdag na 25 taon.
Ayon sa batas, ang kabuuang haba ng kontrata ay hindi dapat lumampas sa 99 taon. Gayunman, maaaring paikliin ito ng Pangulo batay sa rekomendasyon ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) o iba pang ahensiyang may kaugnayan, lalo na kung ang proyekto ay may kinalaman sa mahahalagang serbisyo o imprastrukturang kritikal.
Binago ng bagong batas ang Investors’ Lease Act upang palawigin ang panahong puwedeng paupahan ang lupa sa mga banyagang may aprubadong proyekto sa ilalim ng Foreign Investments Act of 1991. Kailangan ding isumite ang teknikal na deskripsyon ng lupa at iba pang dokumento.
Kapag hindi nagsimula ang dayuhang mamumuhunan sa kanilang proyekto sa loob ng tatlong taon mula sa pagpirma ng kontrata, maaaring kanselahin ang lease.
Hindi tinukoy sa batas kung ilang beses pwedeng i-renew ang kontrata o kung may maximum duration ang extension.
Para sa mga banyagang uupa ng lupa nang walang kasamang pamumuhunan, nananatili ang limitasyong 25 taon sa ilalim ng Presidential Decree 471.
Ang mga lalabag sa batas ay maaaring pagmultahin mula ₱1 milyon hanggang ₱10 milyon, o makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon, depende sa desisyon ng korte.
Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, ipinagbabawal pa rin ang pag-aari ng lupa ng mga dayuhan. Tanging mga Pilipino o korporasyong 60% na pag-aari ng mga Pilipino ang pinapayagang magmay-ari.
Ang hakbang na ito ay inaasahang magpapalakas sa interes ng mga dayuhang mamumuhunan, ngunit nananatiling nagbabantay ang gobyerno sa mga proyektong may implikasyon sa pambansang seguridad.
(Larawan: Ayala Land)