‘Top-up tax’ para sa malalaking dayuhang kumpanya, posibleng magdagdag ng bilyong kita sa gobyerno
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-05 16:08:58
SETYEMBRE 5, 2025 — Tinututukan ngayon ng Department of Finance (DOF) ang pagpataw ng bagong buwis sa mga dambuhalang multinational enterprises (MNEs) na kumikita ng hindi bababa sa ₱50 bilyon kada taon, kasunod ng ulat na mahigit ₱162.9 bilyon ang hindi nakolektang kita mula 2021 hanggang 2023 dahil sa kakulangan ng lokal na batas ukol sa tinatawag na “top-up tax.”
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means noong Setyembre 3, ipinaliwanag ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano na layunin ng Qualified Domestic Minimum Top-Up Tax (QDMTT) na habulin ang kakulangan sa buwis ng mga MNE na nakikinabang sa mga insentibo sa bansa.
Ayon sa patakaran ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), ang mga kumpanyang may global income na hindi bababa sa €750 milyon sa loob ng dalawang taon sa nakalipas na apat ay dapat magbayad ng minimum na 15% buwis. Kung mas mababa ang binabayaran nila sa Pilipinas, kailangang punan ang diperensya.
“Kung wala tayong sariling batas para sa top-up tax, hindi natin makokolekta ang kulang. Sa halip, ibang bansa ang makikinabang,” ani Adriano.
Halimbawa, kung ang Unilever na nakabase sa UK ay nagbayad lamang ng 5% buwis sa Pilipinas, sisingilin ito ng karagdagang 10% upang maabot ang global minimum rate.
Batay sa datos ng DOF, karamihan sa mga MNE na kwalipikado sa QDMTT ay mula sa Japan (32%), sinundan ng US at UK (tig-6%), Germany (5%), at France (4%).
(Larawan: Department of Finance)