Carlo Acutis, opisyal nang santo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-07 19:37:15
SETYEMBRE 7, 2025 — Opisyal nang idineklara bilang santo ng Simbahang Katolika si Carlo Acutis, isang 15-anyos na Italian na namatay noong 2006 dahil sa leukemia. Sa isang makasaysayang seremonya sa Vatican na pinangunahan ni Pope Leo, kinilala si Acutis bilang unang santo mula sa millennial generation.
Kasama sa canonization si Pier Giorgio Frassati, isang kabataang Italian na namatay noong 1925 dahil sa polio. Kilala si Frassati sa kanyang pagtulong sa mahihirap. Ayon kay Pope Leo, ang dalawa ay huwaran ng kabanalan at malasakit sa kapwa.
“All of you, all of us together, are called to be saints,” aniya sa libu-libong kabataang dumalo sa St. Peter’s Square.
(Kayong lahat, tayong lahat, ay tinatawag na maging mga santo.)
Si Acutis, na ipinanganak sa London ngunit lumaki sa Milan, ay gumamit ng kaalaman sa computer programming upang lumikha ng mga website na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa Eucharist. Dahil dito, naging inspirasyon siya ng maraming kabataang Katoliko sa buong mundo.
Naantala ang canonization ni Acutis na orihinal sanang gaganapin noong Abril, matapos ang pagpanaw ni Pope Francis. Ang seremonya nitong Linggo ang kauna-unahang canonization na pinangunahan ni Pope Leo mula nang mahalal siya noong Mayo.
Isa sa mga dumalo si Antonio D’Averio, 24, at siya’y nagsabing, “He too was passionate about computer science. For a saint … it's certainly something new. It's also something that, in my opinion, was needed.”
(Mahilig din siya sa computer science. Para sa isang santo … ito’y tiyak na bago. Sa tingin ko, ito’y kinakailangan.)
Ang labi ni Acutis ay inilipat sa Assisi, alinsunod sa kanyang huling kahilingan. Suot ang paborito niyang jacket, maong, at rubber shoes, ang kanyang puntod ay dinarayo ngayon ng libu-libong deboto araw-araw.
(Larawan: Catholic News Agency)