PH Discourse
Translate the website into your language:

U.S. Supreme Court, uusisain ang legalidad ng pagpataw ni Trump ng mataas na taripa

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-11 18:02:52 U.S. Supreme Court, uusisain ang legalidad ng pagpataw ni Trump ng mataas na taripa

SETYEMBRE 11, 2025 — Magpapasya ang U.S. Supreme Court kung may legal na batayan ang paggamit ni Pangulong Donald Trump ng isang batas pang-emergency para magpatupad ng malawakang taripa sa mga produktong inaangkat mula sa ibang bansa — isang hakbang na maaaring makaapekto sa trilyong dolyar na kalakalan.

Tinanggap ng korte ang apela ng Justice Department laban sa desisyon ng Federal Circuit Court na nagsabing lumampas si Trump sa kanyang kapangyarihan nang gamitin ang International Emergency Economic Powers Act (IEEPA) para magpataw ng taripa. Itinakda ang oral arguments sa unang linggo ng Nobyembre.

Ayon sa desisyon ng appellate court noong Agosto 29, hindi malinaw kung pinahintulutan ng Kongreso ang presidente na magpatupad ng taripa gamit ang IEEPA, isang batas na karaniwang ginagamit para sa mga parusa sa mga kaaway ng estado o pag-freeze ng assets. 

Sa 7-4 na boto, sinabi ng korte: “It seems unlikely that Congress intended, in enacting IEEPA, to depart from its past practice and grant the president unlimited authority to impose tariffs.” 

(Hindi malamang na layunin ng Kongreso, sa pagpasa ng IEEPA, na talikuran ang nakasanayang proseso at bigyan ang presidente ng walang limitasyong kapangyarihan sa pagpapataw ng taripa.)

Ang kaso ay nag-ugat sa mga reklamo ng maliliit na negosyo at 12 estado sa Amerika, na karamihan ay pinamumunuan ng mga Democratic party. 

Ginamit ni Trump ang IEEPA noong Abril upang magpatupad ng taripa laban sa mga bansang may trade deficit sa Amerika, at noong Pebrero laban sa China, Canada, at Mexico bilang hakbang kontra sa pagpasok ng fentanyl at ilegal na droga.

Ayon sa tagapagsalita ng White House na si Kush Desai, “The fact of the matter is that President Trump has acted lawfully by using the tariff powers granted to him by Congress in IEEPA to deal with national emergencies and to safeguard our national security and economy. We look forward to ultimate victory on this matter with the Supreme Court.” 

(Ang totoo, legal ang ginawa ni Pangulong Trump sa paggamit ng kapangyarihang magpatupad ng taripa na ibinigay sa kanya ng Kongreso sa ilalim ng IEEPA upang tugunan ang pambansang emergency at protektahan ang seguridad at ekonomiya ng bansa. Umaasa kami sa tagumpay sa Korte Suprema.)

Ngunit giit ni Jeffrey Schwab, abogado ng Liberty Justice Center na kumakatawan sa mga reklamanteng negosyo, “Congress, not the president alone, has the constitutional power to impose tariffs.” 

(Ang Kongreso, hindi ang presidente lamang, ang may konstitusyonal na kapangyarihang magpatupad ng taripa.)

Nagbabala naman ang Justice Department na ang pagbasura sa kapangyarihan ni Trump ay maaaring magdulot ng “economic catastrophe” dahil sa posibleng ganting hakbang ng mga trading partner.

Ayon sa Congressional Budget Office, ang mga taripa ay maaaring magbawas ng $4 trilyon sa pambansang utang ng Amerika sa loob ng sampung taon.

Sa kabuuan, ang desisyon ng Korte Suprema ay inaasahang magtatakda ng hangganan sa kapangyarihan ng pangulo sa larangan ng kalakalan— i sang usaping may malawak na implikasyon sa ekonomiya ng Amerika at ng buong mundo.

(Larawan: Wikipedia)