Mga suspek sa €88-M Louvre heist, nasakote sa France
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-27 07:35:54
PARIS — Naaresto ng mga awtoridad sa France ang dalawang suspek sa likod ng matapang na pagnanakaw ng mga alahas mula sa Louvre Museum, kabilang ang mga tinaguriang Napoleonic crown jewels na tinatayang nagkakahalaga ng €88 milyon o humigit-kumulang $102 milyon.
Ayon sa ulat ng Paris prosecutor na si Laure Beccuau, ang mga suspek ay nahuli noong Sabado ng gabi, Oktubre 25, sa isang operasyon malapit sa Paris. Isa sa kanila ay naaresto habang tinatangkang tumakas patungong Algeria mula sa Charles de Gaulle Airport.
“This revelation can only hinder the investigative efforts of the 100 or so mobilised investigators, both in the search for the stolen jewellery and for all the perpetrators. It is too early to provide any specific details,” pahayag ni Beccuau kaugnay ng pagtagas ng impormasyon sa media.
Batay sa ulat ng Le Parisien, ang dalawang lalaki ay nasa edad 30 at mula sa Seine-Saint-Denis suburb ng Paris. Kilala na umano sila ng pulisya dahil sa mga naunang kaso ng pagnanakaw.
Ang insidente ay naganap noong Oktubre 19, kung saan apat na kriminal ang pumasok sa Louvre sa gitna ng araw at mabilis na tumakas dala ang walong piraso ng mamahaling alahas. Dahil dito, pansamantalang isinara ang museo at muling binuksan sa publiko noong Oktubre 22.
Hindi pa kinukumpirma ng mga awtoridad kung nabawi na ang mga ninakaw na alahas. Patuloy ang imbestigasyon ng French National Police, na sinusuportahan ng mahigit 100 imbestigador upang matukoy ang buong lawak ng operasyon at ang iba pang posibleng sangkot.
Ang pagnanakaw ay itinuturing na isa sa mga pinaka-high-profile na heist sa kasaysayan ng France, na nagdulot ng kahihiyan sa bansang kilala sa mahigpit na seguridad sa mga institusyong pangkultura.
Larawan mula Dimitar Dilkoff/AFP/dpa
