QC court ibinasura ang kaso vs drag artist Pura Luka Vega
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-20 08:55:02
QUEZON CITY — Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court ang tatlong kasong kriminal laban sa drag artist na si Pura Luka Vega, na may tunay na pangalan na Amadeus Fernando Pagente, kaugnay ng kontrobersyal niyang “Ama Namin” drag performance na umani ng batikos mula sa ilang religious groups.
Sa isang 25-pahinang joint resolution na may petsang Setyembre 19, ipinagkaloob ng Branch 306 ng QC RTC ang demurrer to evidence ni Vega, na nangangahulugang hindi sapat ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon upang patunayan ang kanyang pagkakasala. Ang desisyon ay isinulat ni Judge Dolly Rose R. Bolante-Prado.
Ang mga kasong isinampa laban sa kanya ay paglabag sa Article 201 par. 2(b)(3) ng Revised Penal Code na tumutukoy sa “immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows,” kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Dalawang pangunahing dahilan ang binanggit ng korte sa pagbasura ng kaso:
- Hindi napatunayan ang authenticity at integrity ng video evidence na ginamit upang ipakita ang performance ni Vega.
- Walang legal standing ang tatlong pribadong complainant upang magsampa ng kaso, ayon sa korte.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Vega: “Prayers answered. Thank you Lord!” matapos ibahagi ang bahagi ng resolusyon sa X (dating Twitter). Gayunpaman, nilinaw niyang hinihintay pa ang finality ng desisyon dahil may posibilidad na maghain ng motion for reconsideration ang mga complainant.
Matatandaang noong Agosto 2023, nagsampa ng reklamo ang grupong Hijos Del Nazareno laban kay Vega dahil sa kanyang viral performance ng “Ama Namin” habang nakasuot ng kasuotang kahalintulad ng imahe ni Hesukristo. Sa panig ni Vega, sinabi niya sa isang panayam na ang kanyang intensyon ay “to embody a version of Christ that is one with the queer audience.”
Noong Hunyo 2025, nauna nang naabsuwelto si Vega sa kaparehong kaso sa Manila RTC kaugnay ng parehong batas.
Ang desisyong ito ay itinuturing na mahalagang hakbang sa usapin ng artistic freedom at legal due process sa bansa.