Diskurso PH
Translate the website into your language:

Beteranong aktor na si Dwight Gaston, pumanaw na sa edad na 66

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-23 23:43:44 Beteranong aktor na si Dwight Gaston, pumanaw na sa edad na 66

October 23, 2025 – Pumanaw na ang beteranong aktor na si Dwight Gaston sa edad na 66. Kinumpirma mismo ng kaibigan niyang si Joel Torre ang malungkot na balita sa isang Facebook post ngayong Huwebes, October 23.

Sa kanyang post, ibinahagi ni Joel ang ilang larawan nila ni Dwight na kuha pa noong mga panahong aktibo pa sila sa teatro at pelikula. Kasabay nito, nagbalik-tanaw ang award-winning actor sa mahigit limang dekada nilang pagkakaibigan.

Ani Joel, “Oh Dwight, the umbilical cord has been cut. After more than 50 years of friendship, from the first play we co-directed through the Maskara Theater years, the Los Curachas, the Yamuhat Festivals, from Oro, Plata, Mata to Amigo, those creative times and laughter were at its best.”

Dagdag pa niya, kahit alam na ni Dwight na malapit na ang kanyang oras, hindi pa rin nawala ang matinding sense of humor nito. “Even the time you knew of your last few days, your incredible humor was still on full display,” ani Joel.

Bumuhos naman ang pakikiramay ng mga kasamahan sa industriya at mga tagahanga ng aktor sa comment section ng post ni Joel. Marami ang nagpahayag ng kanilang pagdadalamhati at labis na paghanga kay Dwight, na itinuring nilang isa sa mga haligi ng pelikulang Pilipino.

Hanggang sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamilya ni Dwight tungkol sa sanhi ng kanyang pagpanaw.

Si Dwight Gaston ay nakilala sa kanyang husay sa pag-arte sa ilang classic Filipino films tulad ng Oro, Plata, Mata (1982), Scorpio Nights (1985), Amigo (2010), Batang Z (1996), at Tiktik: The Aswang Chronicles (2012).

Bukod sa pag-arte, isa rin siyang mahusay na screenwriter. Ilan sa mga pelikulang kanyang isinulat ay ang Shake, Rattle & Roll 2 (1990), Banyo Queen (2001), at Gagamboy (2004).

Nakilala rin siya ng mas batang audience bilang Kuya Dwight sa sikat na children’s show na Batibot, na umere mula 1984 hanggang 2002.

Sa pagtatapos ng kanyang tribute, emosyonal na sinabi ni Joel Torre: “Love gid ya! Your dearest friend, Joel.”

Rest in peace, Kuya Dwight.