Park Bom ng 2ne1, maghahain ng kaso laban sa YG Entertainment at Yang Hyun Suk dahil sa umano’y pandaraya at korapsyon!
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-23 21:51:09
Oktubre 23, 2025 – Nagulantang ang K-pop world matapos ibulgar ni Park Bom ng 2NE1 na magsasampa siya ng kaso laban sa YG Entertainment at sa dating CEO nitong si Yang Hyun Suk dahil sa umanoy pandaraya at korapsyon sa pinansyal na aspeto ng kanyang karera.
Sa isang mahabang post sa kanyang Instagram, ipinakita mismo ni Bom ang opisyal na kopya ng legal complaint na inihain ng kanyang mga abogado. Sa dokumentong ito, inakusahan niya ang YG Entertainment ng fraud at embezzlement, o pandaraya at paglustay ng pera na dapat sana ay bahagi ng kanyang kita bilang isang artist.
Ayon kay Bom, hindi kailanman nagbigay ng malinaw na settlement report ang kumpanya mula nang siya ay nagsimulang magtrabaho sa ilalim ng YG. Dagdag pa niya, wala raw siyang natanggap na tamang bayad, at ang halaga ng hindi pa naibibigay sa kanya ay umaabot umano sa trilyong won, na naging sanhi ng malubhang pagkalugi at matinding stress sa kanya bilang artista at bilang tao.
“For years, I trusted the company that built my name, but I was betrayed financially and emotionally,” ayon sa caption ni Park Bom sa kanyang IG post. “This is not about money anymore, this is about justice.”
Kasunod ng kanyang rebelasyon, mabilis na kumalat ang balita sa social media, at maraming fans at netizens ang nagpahayag ng suporta at pagkabigla. Ang ilan ay nagsabing matagal na raw nilang napapansin na tila hindi patas ang trato kay Bom noong aktibo pa siya sa YG, lalo na matapos ang kontrobersya noong 2014 na labis na nakaapekto sa kanyang karera.
Matatandaan na si Park Bom ay isa sa apat na miyembro ng legendary girl group na 2NE1, na binubuo rin nina CL, Dara, at Minzy. Sila ang nagpasikat ng mga iconic hits tulad ng “Fire,” “I Am the Best,” at “Lonely.” Ngunit matapos ang ilang taon ng hiatus, tuluyang nag-disband ang grupo noong 2016 sa ilalim ng YG Entertainment.
Simula noon, tahimik na namuhay si Bom at paminsan-minsan lamang naglalabas ng solo projects. Ngunit nitong mga nakaraang buwan, tila nagbago ang tono ni Bom sa kanyang mga social media posts — mas direkta, mas emosyonal, at mas bukas sa kanyang pinagdadaanan.
Hanggang ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang YG Entertainment o si Yang Hyun Suk ukol sa mga alegasyon. Subalit ayon sa ilang Korean news outlets, posibleng maglabas ang kumpanya ng opisyal na statement sa mga susunod na araw upang sagutin ang mga paratang.
Larawan mula sa Google
