‘Wala nang gutom na pilipino' — wish ni PBBM sa kanyang nalalapit na ika-68 birthday
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-10 20:37:54
SETYEMBRE 10 — Sa kaniyang kasalukuyang state visit sa Cambodia, binahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang panalangin na mas mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino at na ang mga proyekto ng gobyerno ay patuloy na makatulong sa pinakamahihirap sa bansa.
Ayon sa Pangulo, na magdiriwang ng kanyang ika-68 kaarawan sa Setyembre 13, “Hindi naman nagbabago ‘yung mga birthday wish ko mula noong simula hanggang ngayon na naging Pangulo ako.” Idinagdag niya: “Maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino, na maituloy natin lahat ng ating proyekto para matulungan lalo na ‘yung mga mahihirap.”
Binanggit rin ni Marcos na ang kaniyang personal na pangarap ay walang gutom na Pilipino. “At ganoon pa rin hindi talaga nagbabago: Sana maabot natin ‘yung aking—at aabutin natin—‘yung aking pinapangarap na wala ng gutom na Pilipino,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, nagpapatupad ang administrasyon ng “Walang Gutom program”, ang pangunahing anti-hunger initiative kung saan ang mga pamilyang kapos sa pagkain ay tumatanggap ng ₱3,000 food credits kada buwan sa pamamagitan ng electronic benefit transfer (EBT) cards. Bahagi ng programa ang paglalaan ng kalahati ng pondo sa carbohydrates tulad ng bigas at tinapay.
Noong nakaraang buwan, pinalawig din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ₱20/kilo rice program para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom upang masiguro na mas marami ang makakakuha ng pagkain.
Ang programang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na labanan ang kahirapan at kakulangan sa pagkain sa bansa, habang pinapabuti ang kalidad ng buhay ng mamamayan. (Larawan: Bongbong Marcos / Fb)