PH Discourse
Translate the website into your language:

Problema Pa Rin! Basura sa mga kanal at ilog, nananatiling suliranin sa kabila ng malawakang kampanya sa San Pedro City

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-03 23:47:11 Problema Pa Rin! Basura sa mga kanal at ilog, nananatiling suliranin sa kabila ng malawakang kampanya sa San Pedro City

SAN PEDRO CITY, Laguna — Sa kabila ng sunod-sunod na kampanya at paglilinis na isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro laban sa mga bara sa kanal, creek at ilog, hindi pa rin natatapos ang problema ng basura na nagdudulot ng matinding pagbaha sa ilang lugar ng lungsod.

Ayon sa ulat ng City Engineering Office (CEO), sangkatutak na basura ang nakokolekta sa kanilang regular na operasyon. Kabilang dito ang mga plastik, lumang kasangkapan, at iba pang kalat na sadyang itinapon sa mga daluyan ng tubig. Ang mga naturang basura ay nagiging pangunahing sanhi ng pagbabara, dahilan upang mabilis bumaha tuwing may malakas na pag-ulan.

Dahil dito, muling ipinaalala ng lokal na pamahalaan sa lahat ng Barangay Officials na mahigpit na ipatupad ang Executive Order No. 01, s. 2025 na nilagdaan ni Mayor Art Mercado noong Hulyo 2, 2025. Nakapaloob sa kautusan ang obligasyon ng bawat barangay na tiyaking malinis ang kanilang mga kanal at daluyan ng tubig, gayundin ang pagpapaigting ng mga programa laban sa maling pagtatapon ng basura.

Hinikayat din ng pamahalaan ang lahat ng mamamayan na maging disiplinado at responsable sa pagtatapon ng kanilang basura. Anila, hindi sapat ang aksyon ng gobyerno kung hindi makikipagtulungan ang bawat isa.

“Tayo dapat ang solusyon!” ang panawagan ni Mayor Mercado, na naglalayong ipaalala na ang kalinisan at kaayusan ng lungsod ay nakasalalay hindi lamang sa pamahalaan kundi sa sama-samang pagkilos ng bawat residente. (Larawan: City Government of San Pedro / Facebook)