VP Sara Duterte, personal na nagtungo upang makiramay sa mga naulila sa Lindol sa Cebu
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-04 01:15:04
CEBU — Personal na nakiramay si Vice President Sara Duterte sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay matapos ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa lalawigan noong Setyembre 30, 2025.
Sa kanyang pahayag sa social media, ibinahagi ng Pangalawang Pangulo ang matinding lungkot na kanyang nadama nang makaharap ang mga pamilyang nagluluksa:
“Matinding lungkot ang ating naramdaman nang personal tayong makiramay sa mga naiwang pamilya ng mga biktima ng malakas na lindol na yumanig sa Cebu.”
Dagdag pa niya, hindi lamang pakikiramay ang kanilang hatid kundi konkretong tulong para sa mga nasalanta. Patuloy umano ang pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng OVP Satellite Offices na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga lugar na kanyang tinungo ang Medellin, San Remigio, Tabogon, at Bogo City — ilan sa mga pinakaapektadong bayan at lungsod na nagtala ng malaking pinsala at pagkawala ng buhay.
Samantala, nagpapatuloy ang operasyon ng mga rescue at relief teams sa iba’t ibang bahagi ng Cebu, habang puspusan pa rin ang rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.
Nagpasalamat naman ang ilang residente sa agarang pagbisita ni VP Sara at sa tulong na ipinaaabot ng kanyang tanggapan. Para sa kanila, higit pa sa materyal na ayuda ang moral na suporta na dulot ng pagkakaroon ng mga lider na personal na nakikiisa sa kanilang pagdadalamhati. (Larawan: Sara Duterte / Facebook)