Ombudsman Remulla nais ipatupad ang 2016 dismissal order laban kay Sen. Villanueva
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-23 09:37:51
MANILA — Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magpapadala siya ng opisyal na liham kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III upang subukang ipatupad ang 2016 dismissal order laban kay Senator Joel Villanueva kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pork barrel funds noong siya ay party-list representative.
“We will send a letter to the Senate President to remind them of the standing dismissal order. It is still valid and enforceable,” ani Remulla sa isang press briefing noong Oktubre 22.
Ang nasabing dismissal order ay inilabas ng Office of the Ombudsman noong Disyembre 2016, matapos matukoy ang umano’y anomalya sa paggamit ng ₱10 milyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Villanueva.
Gayunpaman, tinutulan ito ng Senado sa pamamagitan ng pag-adopt sa legal opinion ng Senate legal counsel na nagsasabing tanging ang Kongreso ang may kapangyarihang magdisiplina sa sarili nitong mga miyembro. “No one opposed the motion. It’s final: Senate will not dismiss Joel Villanueva,” ani Sotto noong Disyembre 5, 2016.
Sa kabila ng pagtutol ng Senado noon, nanindigan si Remulla na may bisa pa rin ang dismissal order. “We are not reviving anything. It was never implemented,” aniya.
Bukod sa isyung ito, si Villanueva ay muling nasangkot sa kontrobersiya kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa mga pagdinig sa Senado, pinangalanan siya ng dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara at Bryce Hernandez bilang isa sa mga umano’y tumanggap ng kickbacks mula sa mga proyekto sa Bulacan. Mariing itinanggi ni Villanueva ang paratang at tinawag itong “set up” sa kanyang privilege speech.
Nagpahayag din ng suporta ang kanyang ama, si Rep. Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva, na nagsabing ang mga akusasyon ay mula sa “planted witnesses” at hindi dumaan sa tamang proseso.
Sa gitna ng mga imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, Independent Commission for Infrastructure (ICI), at Senate Blue Ribbon Committee, nananatiling mainit ang usapin ng accountability sa mga halal na opisyal. Patuloy ang pagtutok ng publiko sa magiging tugon ng Senado sa panibagong hakbang ni Remulla.