Diskurso PH
Translate the website into your language:

BIR staff, inireklamo matapos paiyakin ang TikToker sa Novaliches

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-31 08:41:37 BIR staff, inireklamo matapos paiyakin ang TikToker sa Novaliches

OKTUBRE 31, 2025 — Hindi inaasahan ni Nica Cadalin na ang simpleng paglalakad sa BIR Novaliches para kumuha ng TIN ID ay mauuwi sa luha, galit, at viral na TikTok video.

Sa halip na maayos na serbisyo, naranasan umano ni Cadalin ang tila panlalait at pagmamataas mula sa isang empleyado ng ahensya. Sa kanyang video, makikitang umiiyak siya habang ikinukuwento ang naging pakikitungo sa kanya.

“Bakit ganyan ang employee niyo? Bakit nasa government kayo? Grabe. Nangangailangan ng tulong yung tao. Pare-pareho tayong tao dito,” aniya. 

Ayon kay Cadalin, ilang beses siyang nagka-error sa online registration kaya’t nagdesisyong pumunta na lang sa opisina. Pero imbes na tulungan, tila pinahiya pa siya.

“Nakakainis lang all throughout the conversation, nag English talaga siya na para bang gusto niya ipamukha sa akin, dapat kong maintindihan lahat. Sobrang impatient niya. Yung sarcasm, yung magmumukha ka talagang bobo na ba’t di ko daw maintindihan. Na paulit ulit lang daw siya ng sinasabi,” kwento niya. 

Nang subukan niyang ipunto ang ugali ng empleyado, lalo pa raw itong nagalit.

“Sinabi ko siguro kelangan niyo na ho magpahinga kasi baka hindi po kayo ready to serve the people. Tumaas talaga yung boses niya. Pagkakaalaala ko, sabi niya wala daw akong karapatan para sabihin yun sa kanya,” dagdag ni Cadalin. 

Hindi na nakuha ni Cadalin ang kanyang TIN ID. Sa halip, nagdesisyon siyang magsampa ng reklamo sa Anti-Red Tape Authority.

Agad namang umani ng suporta ang TikTok video mula sa netizens na may sari-sariling kwento rin ng hindi magandang karanasan sa ilang kawani ng gobyerno. Marami ang nanawagan ng mas maayos na training sa public service, lalo na sa pakikitungo sa ordinaryong mamamayan.

Ayon sa BIR Novaliches, naka-leave na ang naturang empleyado at nakatakdang tapusin ang kontrata nito sa Nobyembre 1. Isang show cause order na rin ang inilabas para ipaliwanag niya ang panig niya sa insidente.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6713, inaasahan ang mga kawani ng gobyerno na maging magalang, propesyonal, at maagap sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko.

Para sa mga nais maghain ng reklamo, bukas ang 8888 hotline para sa mga hinaing laban sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.

(Larawan: TikTok)