Mahigit 40 kataong sangkot sa Sept. 21 Mendiola riot, kakasuhan
Marijo Farah A. Benitez  Ipinost noong 2025-10-31 14:40:44 
            	OKTUBRE 31, 2025 — Mahigit 40 indibidwal ang nakatakdang sampahan ng kaso ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay sa marahas na kilos-protesta noong Setyembre 21 sa paligid ng Ayala Bridge at Mendiola, Maynila.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Robert Morico II, tinatapos na ng mga imbestigador ang mga dokumentong isusumite sa piskalya laban sa mga sangkot, kabilang ang mga pinaniniwalaang nagpondo at nagsulsol sa kaguluhan.
“Actually, we are going to file cases already, more than 40 ang pa-filean namin ng kaso regarding this Sept. 21 incident. So it will not stop. Including ‘yung allegedly nag finance ng gulo and ‘yung mga instigator,” pahayag ni Morico.
Nilinaw ni Morico na hindi kabilang sa mga target ng imbestigasyon ang mga mapayapang nagtipon, kundi ang mga aktwal na lumahok sa paninira at karahasan.
“Ang iniimbestigahan namin dito ay ‘yung violent incident doon sa Recto and everybody saw it sa social media. May mga sinunog, arson, may mga nasugatang pulis, sibilyan, public property ng city of Manila, even ‘yung sa PNP nakita niyo kung anong ginawa. So what we are investigating is ‘yung pag commit ng criminal act,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng opisyal na kabilang sa mga iniimbestigahan ang mga nasa mataas na posisyon na posibleng may kinalaman sa pagpaplano o pagpopondo ng kaguluhan.
Sinabi rin ni Morico na anumang impormasyon mula sa mga lokal na opisyal, kabilang si Manila Mayor Isko Moreno, ay isinasaalang-alang ng CIDG.
“Kapag may binanggit si mayor, any information na nakukuha ng CIDG ay ini-exploit at iniimbestigahan because there is an information,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Moreno na may natanggap siyang ulat na may ilang personalidad — kabilang ang dating politiko at isang abogado — na posibleng nagpondo sa kaguluhan.
(Larawan: YouTube)
