Diskurso PH
Translate the website into your language:

100,000 balikbayan boxes sa wakas nakalaya bago Pasko

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-19 07:38:03 100,000 balikbayan boxes sa wakas nakalaya bago Pasko

MANILA — Mahigit 100,000 balikbayan boxes na matagal nang nakatengga sa Port of Manila ay tuluyan nang ipinamamahagi sa mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs), ilang araw bago ang Pasko. Ayon sa Bureau of Customs (BOC), ang mga kahon ay naiwan sa imbakan sa loob ng ilang taon dahil sa kapabayaan ng ilang deconsolidators.

Kabilang sa mga natanggap na balikbayan box ang ipinadala ni OFW Michelle Grepalda mula sa Middle East noong 2023. Isa sa mga kahon ay nasira na dahil sa matagal na pagkakakulong sa bodega. 

“Negligent deconsolidators should pay the port charges, shipping costs, and taxes and duties,” pahayag ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, na nagbabala ring maaaring kasuhan ang mga kumpanya na nagpabaya.

Kasabay nito, iniutos ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagpapalabas ng humigit-kumulang 130,000 balikbayan boxes upang matiyak na makarating ang mga ito sa mga pamilya ng OFWs ngayong holiday season. Pinangunahan mismo ni Nepomuceno ang inspeksyon at distribusyon ng mga kahon sa Port Area, Manila.

Bagama’t nagpapasalamat ang mga OFWs na sa wakas ay natanggap na ng kanilang mga pamilya ang mga padala, marami pa rin ang nagpahayag ng pagkadismaya sa tagal ng proseso. 

“Idemanda natin at hindi na makapag negosyo. Magkakaroon kami ng mas mahigpit na parameters,” dagdag ni Nepomuceno, na naglatag ng mas mahigpit na panuntunan upang hindi na maulit ang insidente.

Nagpahayag ang BOC ng pag-asa na hindi pa nag-expire ang mga perishable goods na nakapaloob sa mga kahon. Sa kabila ng pagkasira ng ilan, tiniyak ng ahensya na ipagpapatuloy ang paghahatid ng lahat ng natitirang balikbayan boxes sa kani-kanilang pamilya bago sumapit ang Pasko.