HMD, inilunsad ang bagong fuse phone na may AI technology laban sa nude content
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-31 20:49:44
Inilunsad ng HMD Global, ang kumpanyang gumagawa ng Nokia Mobile mula pa noong 2016, ang kanilang pinakabagong produkto na tinatawag na Fuse phone, na eksklusibong ibebenta sa pamamagitan ng Vodafone. Ang bagong smartphone ay gumagamit ng makabagong HarmBlock+ AI technology na idinisenyo upang pigilan ang mga bata sa pagkuha, pagpapadala, o panonood ng mga hubad na larawan o video.
Ang sistemang ito, na binuo ng UK-based company na SafeToNet, ay nakapaloob mismo sa operating system at camera ng telepono, kaya’t imposibleng i-bypass o lampasan. Sa pamamagitan ng real-time analysis ng camera feeds, awtomatikong binablock ng AI ang anumang pagtatangkang kumuha ng sexual content bago pa man ito maitala.
Ayon sa isang pag-aaral ng kumpanya, isa sa bawat limang secondary students ang nakaranas ng pressure na magpadala ng explicit photos, habang 63% ang nagsabing naipapasa ang kanilang mga larawan nang walang pahintulot.
Bukod dito, binabantayan din ng teknolohiya ang mga content na lumalabas sa screen ng telepono upang matiyak na hindi makakapasok ang anumang mapanirang sexual material. Itinuturing itong isang napapanahong tugon sa lumalalang problema ng explicit image-sharing sa mga kabataan, na matagal nang pinoproblema ng maraming guro at magulang.
Para sa ilang eksperto sa edukasyon, mahalaga ang ganitong uri ng inobasyon dahil hindi lamang nito pinoprotektahan ang mga bata laban sa online exploitation, kundi nakatutulong din itong bawasan ang pressure at panggigipit sa social media na nagiging sanhi ng mental health issues.
Sa pamamagitan ng Fuse phone, umaasa ang HMD at Vodafone na makapagbibigay sila ng mas ligtas na digital environment at maging katuwang ng mga magulang sa pagtuturo ng responsableng paggamit ng teknolohiya sa bagong henerasyon. (Larawan: Vodafone / Google)