PH Discourse
Translate the website into your language:

Good News! Tuluyang pagkaubos ng Iberian Lynx, napigilan ng siyensya

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-02 00:44:15 Good News! Tuluyang pagkaubos ng Iberian Lynx, napigilan ng siyensya

Noong 2001, itinuring na pinakamapanganib na uri ng pusa sa buong mundo ang Iberian lynx matapos na halos 62 na lamang ang natitirang populasyon nito sa kalikasan. Dahil sa pagkawala ng tirahan, pagbagsak ng populasyon ng mga kuneho na pangunahing pagkain nito, at mga aksidente sa kalsada, inakala ng mga eksperto na hindi na magtatagal at tuluyan nang mawawala ang hayop na ito.

Ngunit dalawang dekada ang lumipas, naganap ang isa sa pinakamalaking kwento ng tagumpay sa konserbasyon. Ngayong taong 2025, umabot na sa mahigit 2,000 ang Iberian lynx sa Espanya at Portugal—isang paglobo ng populasyon na higit sa 3,000% mula sa pinakamababa nitong bilang.

Naging posible ito sa pamamagitan ng sama-samang aksyon ng mga pamahalaan, siyentipiko, at lokal na komunidad. Kabilang sa mga hakbang ang pagtatayo ng mga protektadong lugar, pagpapatupad ng breeding at reintroduction programs, paggawa ng wildlife crossings upang mabawasan ang aksidente sa kalsada, at muling pagpaparami ng mga kuneho bilang pangunahing pagkain ng lynx.

Mula 400 noong 2015, naging higit 1,000 na ito noong 2020, at ngayon ay lampas 2,000 na ang malayang namumuhay sa kagubatan. Kilala ang Iberian lynx sa mga batik tulad ng leopardo, matulis na tenga, at matikas na lakad—at ngayon, muling naibalik ang kanyang presensya sa kalikasan.

Ang pagbabalik nito ay patunay na kapag nagsama ang siyensya, malasakit, at pagkilos ng tao, posibleng maisalba kahit ang mga hayop na halos naglaho na. (Larawan: Google)