Mariah Carey pinakilig ang fans sa “The Celebration of Mimi” concert sa Manila
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-15 07:40:35
MANILA — Muling pinatunayan ni international pop diva Mariah Carey na siya pa rin ang reyna ng mga birit nang magtanghal siya sa harap ng libo-libong Pilipino sa SM Mall of Asia Arena nitong Oktubre 14, 2025, bilang bahagi ng kanyang world tour na “The Celebration of Mimi.”
Sa halos dalawang oras na concert, inawit ng Grammy-winning artist ang ilan sa kanyang pinakasikat na kanta gaya ng “Hero,” “We Belong Together,” “Always Be My Baby,” “Emotions,” at “Fantasy.” Umugong ang buong arena habang sabay-sabay na umawit ang mga fans sa kanyang timeless hits na naging bahagi na ng pop culture sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Bagama’t may ilang netizen na nagsabing tila “kulang sa energy” ang ilang bahagi ng performance, karamihan ay humanga sa nananatiling lakas at linaw ng boses ng singer. Ayon sa ilang concertgoers, ramdam pa rin ang “vocal power” ni Mariah kahit pa bihira na itong magtanghal sa Asia.
Ang Manila leg ay bahagi ng Asian tour ng “The Celebration of Mimi,” na dumaan din sa Indonesia, Singapore, at Thailand. Sa naturang concert, sinamahan si Carey ng live band at backup vocalists na nagbigay-buhay sa kanyang classic sound at signature whistle notes.
Ang konsiyerto ay inorganisa ng Wilbros Live, at ayon sa ulat, sold out ang karamihan sa mga ticket tier na umabot hanggang ₱23,850 para sa SVIP seats.
Sa pagtatapos ng gabi, nagpasalamat si Mariah Carey sa mga Pilipinong tagahanga na aniya ay “isa sa mga pinakamasiglang crowd” na kanyang na-performan. “You’ve always been so loving to me. I love you, Manila!” wika ng pop diva bago siya tuluyang bumaba sa entablado.
Ang “The Celebration of Mimi” ay inaalay ni Carey sa ika-20 anibersaryo ng kanyang 2005 album na “The Emancipation of Mimi,” na itinuturing na isa sa kanyang pinakamatagumpay na proyekto sa karera.