Diskurso PH
Translate the website into your language:

Boracay, Palawan, Siargao muling kinilala sa global tourism rankings

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-14 16:50:18 Boracay, Palawan, Siargao muling kinilala sa global tourism rankings

MANILA — Muling kinilala ang kagandahan ng Pilipinas sa larangan ng turismo matapos mapabilang ang Boracay, Palawan, at Siargao sa listahan ng Top 10 Islands in Asia ng prestihiyosong Condé Nast Traveler 2025 Readers’ Choice Awards.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), ang tatlong isla ay kabilang sa mga nangungunang destinasyon sa Asia batay sa boto ng mahigit 700,000 global travelers. Nakamit ng Boracay ang ika-4 na pwesto na may score na 90.54, sinundan ng Palawan sa ika-5 pwesto na may 90.23, habang si Siargao ay nasa ika-7 na pwesto na may 85.49 puntos.

“This recognition by Condé Nast Traveler is a living testament to the beauty, resilience, and stewardship of our island communities,” pahayag ni Tourism Secretary Ma. Esperanza Christina G. Frasco sa isang press release. Dagdag pa niya, “To see Boracay, Palawan, and Siargao once again among Asia’s top islands reaffirms our commitment to preserving their natural wonders, advancing sustainable tourism, and ensuring that the prosperity these destinations bring reaches every Filipino”.

Bukod sa tatlong isla, kabilang din sa listahan ang Phú Quốc sa Vietnam (95.51), Langkawi sa Malaysia (92.99), Koh Samui sa Thailand (92.7), Bali sa Indonesia (89.84), Andaman Islands sa India (85.33), Phuket sa Thailand (84.62), at Phi Phi Islands sa Thailand (84.5).

Ang taunang Readers’ Choice Awards ng Condé Nast Traveler ay isa sa pinakamatagal at pinakapinagkakatiwalaang survey sa larangan ng luxury travel, kung saan ang mga mambabasa mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay bumoboto base sa kanilang karanasan sa mga destinasyon.

Patuloy ang pagsusumikap ng DOT na isulong ang sustainable tourism at mapanatili ang likas na ganda ng mga isla ng Pilipinas. Sa pagkilalang ito, inaasahang mas dadami pa ang mga turistang bibisita sa bansa, na makatutulong sa lokal na ekonomiya at kabuhayan ng mga komunidad.