Pinas, kinilala sa Osaka Expo 2025; silver award, nasungkit ng PH Pavilion
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-13 17:57:29
OKTUBRE 13, 2025 — Maguuwi ng tagumpay ang Pilipinas matapos tanghaling Silver Awardee sa Exhibition Design category ng World Expo 2025 sa Osaka, Japan. Ang parangal ay iginawad ng Bureau International des Expositions (BIE) para sa mga self-built pavilion na may sukat na mas mababa sa 1,500 metro kuwadrado.
Ang Philippine Pavilion, na may temang “Nature, Culture, and Community: Woven Together for a Better Future,” ay kinilala dahil sa kakaibang disenyo, malikhaing presentasyon, at makatawag-pansing karanasan para sa mga bisita.
Sa loob ng anim na buwang operasyon, umabot sa mahigit 1.1 milyong katao ang bumisita rito.
Bumida sa disenyo ng pavilion ang façade na gawa sa rattan na hinabi ng mga artisan mula Cebu — isang visual na pahayag ng sining at kultura ng bansa. Sa loob, tampok ang 18 malalaking habing sining, AI-powered installations, live performances, at wellness corner na nagpapakita ng tradisyunal na hilot.
Sa isinagawang closing ceremony ngayong Oktubre 13 sa Yumeshima site, pinangunahan ni Tourism Promotions Board (TPB) COO Margarita Montemayor Nograles ang programa. Kasama niya sina Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano at Tourism Undersecretary Myra Abbubakar.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Nograles: “Through it all, this pavilion stood as a reminder that we are a people who will rise, and we will rise together ….We showed the world that even in the face of nature’s fiercest tests, the Filipino spirit will continue to shine.”
(Sa kabila ng lahat, ang pavilion na ito ay paalala na tayo ay isang bayang muling babangon at sabay-sabay tayong babangon … Ipinakita natin sa mundo na kahit sa gitna ng matitinding pagsubok ng kalikasan, patuloy na magniningning ang diwang Pilipino.)
Dagdag pa ni Nograles, hindi lamang estruktura ang itinayo ng Pilipinas sa Osaka kundi isang tahanan para sa pagkakakilanlan ng lahi.
“We built pride. We built hope. We built a home for the Filipino spirit — here in Japan, and in the eyes of the world,” aniya.
(Nagtayo tayo ng dangal. Nagtayo tayo ng pag-asa. Nagtayo tayo ng tahanan para sa diwang Pilipino — dito sa Japan, at sa mata ng buong mundo.)
Ayon kay Ambassador Garcia-Albano, lumampas sa inaasahan ang epekto ng pavilion.
“There are a lot of Japanese businesses who are very interested in the Philippines now, and they show their interest by really being there,” pagbahagi niya.
(Maraming Japanese businesses ang interesado ngayon sa Pilipinas, at ipinapakita nila ito sa aktuwal na presensya nila roon.)
Ibinunyag din niya na may mga negosasyong isinusulong upang maipasok sa mga kilalang retail store sa Japan ang mga produkto mula sa maliliit na negosyong Pilipino.
Matapos ang Expo, ililipat ang ilang bahagi ng pavilion sa National Museum of the Philippines. Gagamitin din ang mga ito sa ASEAN Tourism Forum at Travex sa Cebu sa Enero 2026.
Ang disenyo ng pavilion ay pinangunahan ng Carlo Calma Consultancy, Inc., kasama sina Chochay Garcia bilang creative producer, Architect Yuki Kanou bilang executive architect, at Tellart para sa guest experience.
Sa pagkapanalo ng silver award, muling naipamalas ng Pilipinas ang kakayahang magkuwento sa pamamagitan ng sining, teknolohiya, at kultura — isang patunay na ang kwento ng bayan ay hindi lamang naririnig, kundi nararamdaman.
(Larawan: Tourism Promotions Board (TPB) Philippines)