Chavit Singson pinutol ang mga tsismis na may relasyon daw kay Jillian Ward
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-16 12:03:59
“Marites lang ‘yan!” sabi ng dating gobernador.
Hindi na nga nakatiis si former Ilocos Sur Governor Chavit Singson at sinagot na ang mga kumakalat na tsismis na umano’y may “special relationship” daw sila ni Kapuso actress Jillian Ward.
“Marites lang ‘yan, Marites lang! Naririnig ko nga ‘yan. Marami ngang nali-link sa akin. Pero puro Marites ‘yan,” diretsahang pahayag ni Chavit sa ilang miyembro ng press kabilang ang Bandera.
Kumalat kamakailan ang mga blind item online na nagsasabing may “malalim na ugnayan” daw sina Singson at Ward — bagay na agad naging mainit na usapan ng netizens, lalo na’t nakikitang madalas silang nagkakasama sa ilang events. Pero ayon sa 84-year-old businessman-politician, puro haka-haka lang daw ang lahat.
Nang tanungin naman tungkol sa umano’y naging relasyon niya dati kay Yen Santos, tumawa lang si Chavit at sinabing, “Next question!” sabay lambing sa media na huwag nang ungkatin ang tungkol sa mga babaeng nali-link sa kanya.
Nilinaw rin niya na walang katotohanan ang tsismis na may anak daw sila ni Yen — isang isyung matagal na rin niyang itinanggi sa vlog mismo ng aktres.
Pero kahit pa kaliwa’t kanan ang mga chika, inamin ni Chavit na bukas pa rin siya sa pag-ibig.
“Talagang naghahanap ako ngayon ng pwedeng mapakasalan, para may mag-aalaga naman sa akin. Kahit sino, basta maganda ang puso,” pahayag pa ng dating gobernador.
Aba, mukhang ready pa rin sa romansa si Chavit! Sino kaya ang susunod na magiging leading lady sa tunay na buhay ng dating governor?