Jinggoy sasampahan ng kaso si Robby Tarroza; Cristy Fermin: 'Sino ngayon ang mapapahiya?'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-25 22:34:36
Oktubre 25, 2025 – Matapos ang ilang linggong pananahimik, lumalabas na ngayon na seryoso pala si Senator Jinggoy Estrada sa balak niyang sampahan ng mga kaso ang dating aktor at social media personality na si Robby Tarroza, na kasalukuyang naninirahan sa Southern California, USA.
Ayon sa mga ulat na tinalakay nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Wendell Alvarez sa kanilang vlog na “Showbiz Now Na”, plantado na raw ang mga kasong ihahain ni Sen. Jinggoy, kabilang na ang cyber libel, slander by deed, at oral defamation laban kay Robby.
Matatandaan na nag-viral ang Facebook post ni Tarroza kung saan umano’y ininsulto at siniraan niya ang pagkatao at reputasyon ng senador. Ang naturang post ay kumalat pa sa iba’t ibang YouTube channels, dahilan para mas lalong lumaki ang isyu.
“Tahimik lang pala si Senador Jinggoy pero pinaplantsa na niya ang mga kaso. Naka-ready na lahat—ang mga dokumento, mga testigo, pati subpoena,”sabi ni Cristy Fermin sa naturang vlog.
Dagdag pa ni Fermin, handa na raw pati ang mga testigo, kabilang ang mga dating malalapit kay Robby. Isa na rito si Joed Serrano, na una raw ay kakampi ni Robby ngunit umatras nang malaman ang tunay na mga detalye sa likod ng mga post nito.
Ayon pa sa mga host, mahihirapan si Tarroza na takasan ang kaso kahit nasa ibang bansa dahil maaari pa rin siyang ipatawag sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga legal na proseso.
“Hindi biro ang mga paratang niya laban sa isang senador. Dapat patunayan niya kung totoo ang mga sinabi niya, kung hindi, siya ang mapapahiya,”giit pa ni Fermin.
Bago ito, nag-post din si Tarroza na “close daw ang kanyang ama kay Donald Trump Jr.” at nagbanta na “magkaalaman na lang” kapag sinampahan siya ng kaso—isang pahayag na lalo raw nagpasiklab ng galit ng kampo ni Jinggoy.
Sa ngayon, inaasahan na isasampa sa mga susunod na araw ang mga kaso sa korte, habang tahimik pa rin si Robby Tarroza sa kanyang social media accounts.
“Akala niya siguro biro lang ito, pero hindi nagbibiro si Senator Jinggoy. Hindi mo basta-basta sisirain ang reputasyon ng isang tao, lalo na kung ganito kabigat ang mga salita mo,”ani pa ni Fermin.
