PH Discourse
Translate the website into your language:

Boxing gloves na ginamit ni General Torre, ibinenta kay Boss Toyo sa halagang ₱500k?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-21 22:46:45 Boxing gloves na ginamit ni General Torre, ibinenta kay Boss Toyo sa halagang ₱500k?

MANILA Usap-usapan ngayon sa social media ang pagtatangkang ibenta ng komedyanteng si Eric Nicolas ang autographed boxing gloves ni PNP chief P/Gen. Nicolas Torre III sa halagang ₱500,000. Ang naturang gloves ay nakuha ni Nicolas mula sa dapat sana’y charity boxing match sa pagitan nina Torre at acting Davao City Mayor Baste Duterte.

Sa panayam, ibinahagi ni Nicolas na plano niyang ilaan ang malilikom na halaga para sa mga foundation na nag-aalaga ng mga stray animals, isang adbokasiyang malapit umano sa kanyang puso. Bagama’t umaasa siyang makukuha ang target na presyo, kinilala rin ng komedyante na hindi ito madaling maisakatuparan.

Sa kalaunan, nagkasundo sina Nicolas at si Boss Toyo, kilalang personalidad sa programang Pinoy Pawnstars, na isama ang gloves sa isang auction na gagawin ng show. Ayon kay Boss Toyo, mas magiging patas at transparent ang pagbebenta kung dadaan sa bidding, kung saan ang merkado mismo ang magtatakda ng tunay na halaga ng memorabilia.

Maliban sa pagiging isang unique collector’s item, itinuturing din ng marami na may historical at sentimental value ang gloves dahil kaugnay ito ng dalawang kilalang personalidad sa politika at serbisyo publiko.

Samantala, positibo si Nicolas na sa pamamagitan ng auction, hindi lamang mga kolektor ang makikinabang kundi maging ang mga foundation na susuportahan ng kikitain mula rito. (Larawan: PNP / Fb)