‘BGC boys’ nilantad! Mga transaksyon sa casino, bilyun-bilyon ang halaga
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-10 17:15:06
SETYEMBRE 10, 2025 — Isang bagong eskandalo ang sumabog sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ibunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y malawakang katiwalian sa mga proyekto ng flood control sa Bulacan. Sa kanyang privilege speech noong Setyembre 9, inilahad ni Lacson ang mga dokumento at ebidensyang nag-uugnay sa ilang opisyal ng DPWH sa mga pekeng proyekto, pinalabas na accomplishment reports, at posibleng money laundering sa mga casino.
Ayon kay Lacson, isang grupo ng limang opisyal mula sa Bulacan 1st District Engineering Office ang tinaguriang “BGC Boys” ng mga empleyado ng casino — hindi dahil sa Bonifacio Global City, kundi bilang “Bulacan Group of Contractors.”
Sila ay sina:
- Henry C. Alcantara, dating OIC Assistant Regional Director (alias Joseph Castro Villegas)
- Brice Ericson Hernandez, OIC District Engineer (alias Marvin Santos De Guzman)
- Jaypee Mendoza, Assistant District Engineer (alias Peejay Castro Asuncion)
- Arjay Domasig, Project Engineer (alias Sandro Bernardo Park)
- Edrick San Diego, Engineer II
Batay sa mga rekord mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), umabot sa ₱950 milyon ang kabuuang talo ng grupo sa mga casino sa Metro Manila, Cebu, at Pampanga. Ngunit kapansin-pansin ang laki ng kanilang mga panalo at transaksyon ng chips, na posibleng ginamit sa money laundering.
Sa Okada Manila noong Oktubre 17–18, 2022, nanalo si Alcantara ng ₱301,850 habang sina Hernandez, Domasig, at Mendoza ay natalo ng kabuuang ₱1.75 milyon.
Mas nakakabigla ang mga transaksyong cash-to-chips at chips-to-cash mula 2023 hanggang 2025:
- Alcantara: ₱1.428 bilyon (cash to chips); ₱997.765 milyon (chips to cash)
- Hernandez: ₱659.91 milyon (cash to chips); ₱1.385 bilyon (chips to cash)
- Mendoza: ₱26.5 milyon (cash to chips); ₱280.093 milyon (chips to cash)
“Yes, you heard it right, B as in bilyon,” ani Lacson.
Bukod sa casino transactions, ibinunyag din ni Lacson ang mga flood control project sa Bulacan na umano’y peke o minadali ang completion reports:
- Sa Labangan Channel (Sta. Monica to Taliptip), Bulakan, Bulacan, 46% na agad ang billing dalawang araw matapos ang Notice to Proceed.
- Sa Pungo at Franca sections ng Calumpit, parehong idineklarang tapos sa loob ng 34 araw, kahit pa 240 at 270 araw ang nakasaad sa kontrata.
- Sa Longos section ng Malolos, parehong larawan ang ginamit sa dalawang progress report, binago lang ang ilaw.
- Sa Hagonoy section ng Angat River, dalawang proyekto ang umabot agad sa 50% completion sa loob ng isang linggo, at agad na binayaran.
Lahat ng ito ay may kaparehong dokumento, ulat, at larawan — palatandaan ng sistematikong panlilinlang.
Hinimok ni Lacson ang DPWH at iba pang ahensya na magsampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga sangkot. Bukod sa pagsisiwalat ng anomalya, nanawagan siya ng mga pagbabago sa mga batas:
- Pag-amyenda sa Government Procurement Reform Act (RA 9184) upang pigilan ang split contracts at sabwatan ng mga kontratista
- Pagsusuri muli sa Anti-Money Laundering Act (AMLA), lalo na’t ginagamit umano ang casino bilang taguan ng nakaw na yaman
- Pagpapatibay ng mga mekanismo sa budget validation, kabilang ang paggamit ng independent verification at digital monitoring
“In my first privilege speech, I spoke about the flooded gates of corruption. Today we turned our sight to a darker place — the flooded gates of hell,” ani Lacson.
(Sa una kong privilege speech, binanggit ko ang mga gate ng katiwalian. Ngayon, mas madilim na lugar ang ating tinutukan — ang mga gate ng impiyerno.)
Dagdag pa niya, “It is time to give them what they rightly deserve.”
(Panahon na para ibigay sa kanila ang nararapat para sa kanila.)
(Larawan: Ping Lacson)