PH Discourse
Translate the website into your language:

Family business? Lacson, iniugnay si Bonoan sa kontratistang alkalde ng Candaba

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-10 09:13:00 Family business? Lacson, iniugnay si Bonoan sa kontratistang alkalde ng Candaba

SETYEMBRE 10, 2025 — Sa isang privilege speech sa Senado, ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang umano’y koneksyon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kay Candaba Mayor Rene Maglanque — isang lokal na opisyal na dating namuno sa kumpanyang nakakuha ng bilyong halaga ng flood control projects sa Bulacan.

Ayon kay Lacson, si Maglanque ang dating presidente ng Globalcrete Builders, isang construction firm na nakakuha ng ₱2.195 bilyong halaga ng kontrata para sa mga proyekto sa Bulacan mula 2018 hanggang 2024. 

Sa dokumento ng kumpanya noong 2024, si Maglanque pa rin umano ang pumipirma sa mga kontrata, bagay na dapat ay iniwasan niya bilang isang halal na opisyal.

“Si Mayor Rene Maglanque ang presidente noong 2024 na kung saan may mga kontrata na siya mismo ang pumipirma na dapat sana ay nag-divest siya,” ani Lacson. 

Bukod sa Globalcrete, si Maglanque rin ang may-ari ng MBB Global Properties Corporation — ang kumpanyang nagpatayo ng Wyndham Garden Hotel sa Clark, Pampanga na tinatayang nagkakahalaga ng halos ₱1 bilyon.

Batay sa 2024 general information sheet ng MBB Global Properties, ang mga opisyal ng kumpanya ay sina Macy Monique Maglanque (pangulo), Sunshine M. Bernardo (corporate secretary), at Fatima Gay B. Dela Cruz (treasurer). Ayon kay Lacson, ang tatlong ito ay mga anak nina Maglanque, DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, at Bonoan.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang acronym na “MBB” ay tumutukoy sa Maglanque, Bernardo, at Bonoan — na aniya’y nagpapakita ng ugnayan sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong negosyo.

“Kayo na po ang mag-connect the dots,” ani Lacson. 

Dagdag pa ni Lacson, tila may dahilan kung bakit paulit-ulit na idinidepensa ni Bonoan ang mga kontrobersyal na proyekto sa Bulacan, kabilang ang tinaguriang “ghost project” na iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Kaya naman pala ang palaging depensa ni dating DPWH secretary Bonoan, isolated case lang daw ang nakita ni Pangulong Bongbong Marcos na ghost project sa Bulacan. Ayaw na siguro ni Bonoan na maungkat pa sa imbestigasyon ang Globalcrete,” ani Lacson. 

(Photo: Philippine News Agency)