PH Discourse
Translate the website into your language:

Senado, tahimik na nagpalit ng liderato — Ano ang tunay na nangyari sa likod ng kudeta?

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-10 11:31:37 Senado, tahimik na nagpalit ng liderato — Ano ang tunay na nangyari sa likod ng kudeta?

SETYEMBRE 10, 2025 — Tahimik ngunit epektibo ang naging pagpapalit ng liderato sa Senado matapos mapalitan si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President at maupo sa pwesto si Senador Tito Sotto.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson, nagsimula ang plano noong nakaraang Biyernes sa isang pulong ng limang senador mula sa dating minority bloc — sina Lacson, Sotto, Risa Hontiveros, Loren Legarda, at Migz Zubiri. Dito pinag-usapan ang posibilidad ng pagpapalit ng liderato.

“‘Ano ‘yan eh, usapan naming lima sa minorya. Nagtanong-tanong kami sa mga kasamahan namin kung sino ‘yung gusto na magpalit ng liderato,” pahayag ni Lacson. “At base do’n sa unang nakalap na information, mukhang uubra na magkaroon ng sufficient na numero. Kasi 13 para mag-oust eh, 12 para ma-retain.’” 

Noong weekend, nagsimula na silang kumilos para makuha ang suporta ng iba pang senador. Nang makumpirma ang bilang, agad nilang ipinaalam kay Escudero ang plano bago pa magsimula ang sesyon noong Lunes.

Pagdating ng sesyon, walang naging pagtutol nang magbigay ng mosyon si Zubiri na ideklarang bakante ang posisyon ng Senate President. Agad ding ininomina si Sotto, na tinanggap naman ng mayorya.

“‘So nung may bilang [na], 'yun na. May tawagan na nangyari at ayoko nang pag-usapan ang mga dahilan kasi ayaw na rin nating magkaroon ng sakitan o samaan ng loob. 'Yan naman ay normal naman 'yan sa Senado at saka sa House, ang palitan,’” dagdag ni Lacson. 

Bagamat hindi na siya ang lider ng Senado, maayos at magalang ang naging pagtanggap ni Escudero sa desisyon ng kapulungan.

“‘Nakakabagbag naman ng loob na he was very, very gracious. Sabi ko nga, statesman par excellence ang naging demeanor, ‘yung naging reception sa amin ni SP Chiz,’” ani Lacson. 

Sa halip na si Lacson ang mag-administer ng panunumpa ni Sotto, iminungkahi niyang si Escudero na lang ang gumawa nito bilang simbolo ng pagkakaisa. Pumayag si Escudero, at naging maayos ang transisyon.

Matapos maupo si Sotto bilang bagong Senate President, nahalal si Lacson bilang Senate President Pro Tempore, kapalit ni Senador Jinggoy Estrada. Si Zubiri naman ang bagong Senate Majority Leader, pumalit kay Senador Joel Villanueva.

Kabilang sa mga sumuporta kay Sotto ay sina Sens. Hontiveros, Bam Aquino, Legarda, Kiko Pangilinan, Camille at Mark Villar, Pia Cayetano, Erwin at Ruffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, at JV Ejercito.

Samantala, nabuo rin ang bagong minority bloc na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano, kasama si Senador Rodante Marcoleta bilang deputy minority leader. Kasama rin sa minorya sina Escudero, Villanueva, at ang tinaguriang “Duterte bloc” na binubuo nina Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Robin Padilla, at Imee Marcos.

(Photo: Philippine News Agency)