Silence, Not Punishment: The Call for Humane Rehabilitation
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-18 12:20:25
Sa Pilipinas, matagal nang itinuturing na krimen ang adiksiyon, kung kaya’t madalas itong tinutugunan sa pamamagitan ng parusa kaysa pangkalusugang pag-aalaga. Ngunit ngayon, nananawagan ang mga health expert at opisyal ng gobyerno na ituring itong isyu ng public health, at gawing prayoridad ang mga addiction rehabilitation center bilang bahagi ng pambansang healthcare system.
Ayon kay Dr. Alfonso Villaroman, chief of hospital ng Treatment and Rehabilitation Center sa Bicutan, napapanahon na ang pagdagdag ng pasilidad. Noong 2023, binigyang-diin niya na libu-libong Pilipino ang nangangailangan ng rehabilitasyon ngunit mayroon lamang 32 government-run centers sa buong bansa, na may tig-100 kama kada isa.
Ibig sabihin, nasa 3,200 pasyente lang ang kayang tanggapin — malayo sa aktwal na bilang ng nangangailangan. Idinagdag pa ni Villaroman ang kakulangan sa mga bihasang propesyonal. Kaunti lang ang psychologist, nurse, at doktor ng gobyerno na nagsasanay sa addiction treatment. Pinunto rin niya na halos 200 lang ang social workers na may espesyalisasyon sa addiction, kaya lalo pang humihina ang kakayahan ng sistema na makapagbigay ng sapat na serbisyo.
Aminado ang Department of Health (DOH) sa mga kakulangan. Noong 2023, sinabi ni Assistant Secretary Charade Mercado-Grande na hindi lahat ng probinsya ay may treatment and rehabilitation center, kahit may mandato sa ilalim ng Republic Act No. 9165 na dapat may isa sa bawat probinsya.
Ipinaliwanag niyang bagama’t gumagana ang referral networks, nananatiling hamon ang kawalan ng pasilidad sa maraming lugar. Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang mga existing center at iminungkahi ang standardized training para sa lahat ng TRCs sa bansa upang mapabuti ang serbisyo.
Isa sa mga kontrobersyal na pasilidad ay ang Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Nueva Ecija. Naitayo ito para tumanggap ng hanggang 10,000 pasyente ngunit mula 2016, 3,200 residente pa lang ang naalagaan.
Noong 2017, tinawag ni dating Dangerous Drugs Board chairman Dionisio Santiago ang center na isang pagkakamali, at mas pinaboran niya ang maliliit na community-based program na mas abot-kaya at mas praktikal.
Gayunpaman, may positibong pag-unlad mula sa mga pilot program ng DOH at World Health Organization (WHO). Ang mga inisyatibong ito ay tumutok sa voluntary care models na nagbibigay-galang sa karapatan ng pasyente at nag-aalok ng non-residential treatment. Noong 2021, iniulat ni WHO Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na umabot sa mahigit 90% completion rate ang mga recovery clinic na ito, patunay ng bisa ng compassionate at evidence-based na approach.
Noong 2025, iginiit ni clinical psychologist Dr. Mia Santos, na nagtatrabaho kasama ang mga recovering addict sa Metro Manila, na hindi dapat matapos ang rehabilitasyon sa detoxification lang. Aniya, mahalaga ang mga programang sumusuporta sa reintegration, emotional healing, at pagbabalik ng dignidad, dahil ang adiksiyon ay isang medical condition na nararapat tratuhin nang may malasakit at maayos na sistema.
Inilunsad ng gobyerno ang kampanyang BIDA (Buhay Ay Ingatan, Droga’y Ayawan) noong 2023 para itaguyod ang prevention at community engagement. Pero giit ng mga eksperto, kung walang dagdag na pondo, standardized training, at mas malawak na access sa treatment centers, limitado ang magiging epekto nito.
Habang patuloy na hinaharap ng bansa ang epekto ng dating maparusang polisiya sa droga, malinaw ang panawagan ng mga health advocate: dapat gamutin ang adiksiyon bilang isyu ng public health, at ang rehabilitasyon ay dapat nakasentro sa pag-aalaga, hindi sa parusa.