Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Scam ni BBM!’ — Guanzon, binanatan ang ‘Maharlika Fund’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-21 23:54:12 ‘Scam ni BBM!’ — Guanzon, binanatan ang ‘Maharlika Fund’

MANILA — “Mga animal kayo, nanakawan n’yo na naman ang mga tao! Sa umpisa pa lang yang Maharlika Fund ay isang SCAM. Scam ni BBM!”

Ito ang matapang na pahayag ni dating Commission on Audit (COA) at Commission on Elections (Comelec) Commissioner Atty. Rowena Guanzon matapos lumabas ang ulat ng Sarawak Report na isang nahatulang fraudster sa 1MDB scandal umano ang nagbibigay ngayon ng legal advice sa Maharlika Investment Corporation (MIC) — ang ahensiyang nangangasiwa sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Batay sa ulat, si Patrick Mahony, dating Chief Investment Officer ng PetroSaudi, ay nahatulan noong 2024 sa Switzerland ng anim na taong pagkakakulong dahil sa fraud, criminal mismanagement, at money laundering matapos mapatunayang sangkot sa paglustay ng mahigit US $1.8 bilyon mula sa Malaysia’s 1MDB Fund.

Bagaman nahatulan, nananatiling malaya si Mahony habang nakabinbin ang apela. Ayon pa sa Sarawak Report, siya ay kasalukuyang nakabase sa Maynila at umano’y ilang beses nang nakita kasama si dating House Speaker Martin Romualdez, na noong panahong iyon ay pangunahing tagapagtaguyod ng Maharlika Investment Fund Act.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Maharlika Investment Corporation o ang Malacañang hinggil sa naturang ulat.

Samantala, ilang ekonomista ang nagpahayag ng pangamba na ang isyung ito ay maaaring magdulot ng panibagong krisis sa tiwala ng publiko, at muling nagpaalala na dapat bantayang mabuti ang paggamit ng pondo upang hindi mauwi sa isang “1MDB 2.0” ang Maharlika Fund — isang programang inaasahan sanang magdadala ng kaunlaran, ngunit ngayo’y binabalot ng kontrobersiya. (Larawan:Wikipedia / Google)