Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sunwest ni Zaldy Co, nakasungkit ng P2B kontrata mula sa LTO

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-21 18:29:37 Sunwest ni Zaldy Co, nakasungkit ng P2B kontrata mula sa LTO

OKTUBRE 21, 2025 — Nakakuha ng mahigit P2 bilyong halaga ng proyekto mula sa Land Transportation Office (LTO) ang Sunwest Construction Inc., kumpanyang konektado kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.

Tatlong gusali ang itinayo ng Sunwest: isang IT Training Hub at Road Safety Interactive Center na tig-P499 milyon ang halaga, at isang Central Command Center na nagkakahalaga ng P946 milyon. Nilagdaan ang kontrata para sa mga proyekto noong Pebrero 2021.

Bagamat tapos na ang konstruksyon, lumabas sa audit ng Commission on Audit (COA) na hindi nagagamit nang maayos ang mga pasilidad. 

“The COA report disclosed several serious observations, including but not limited to the following, improper use of the IT dormitory at low cost to its occupants, poorly-maintained dormitory rooms, idle IT hub equipment,” pahayag ni Lacanilao. 

(Ibinunyag ng ulat ng COA ang ilang seryosong obserbasyon, kabilang ang hindi tamang paggamit ng IT dormitory na may murang bayad sa mga nakatira, hindi naaalagaang mga silid, at nakatenggang kagamitan sa IT hub.)

Dagdag pa niya, may natuklasang overpayment na umabot sa P26.9 milyon dahil sa maling pagkalkula ng kontrata at hindi pagsunod sa mga itinakdang detalye. 

“COA AOM-184-2024-17, 2020-2021 highlighted that efficiency and non-compliance with the contract requirements and specification of non-utilization, under-utilization of various components in the facility and improper computation of the contract results in an overpayment amounting to P26,910,332,” aniya.

(Itinampok ng COA ang kakulangan sa bisa ng proyekto, hindi pagsunod sa kontrata, at maling pagkalkula na nagresulta sa sobrang bayad.)

Sa ilalim ng pamumuno ni Vigor Mendoza, nagbayad ang LTO ng halos P2 bilyon sa Sunwest noong Disyembre 2024. Dahil dito, magsusumite ang ahensya ng mga dokumento sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Office of the Ombudsman upang imbestigahan ang umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng bayan.

(Larawan: Philippine News Agency)