Diskurso PH
Translate the website into your language:

Belgica: Kaso ni Trillanes, panlilihis sa flood control scandal

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-22 00:04:46 Belgica: Kaso ni Trillanes, panlilihis sa flood control scandal

MANILA Ito ang matapang na pahayag ni dating Presidential Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica matapos magsampa ng plunder case si dating Senador Antonio Trillanes IV laban kina Senador Bong Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Belgica, paulit-ulit na isyu na ang ibinibintang ni Trillanes at ilang ulit na rin umano itong nasagot sa publiko.
“PRRD and Bong Go charged in the Ombudsman this morning. ICI asan na kayo? Nauna pa ito sa inyo. Hindi flood control issue nyan ha. Rehash at lumang issue na ito na nakailang ulit ng nasagot,” ani Belgica sa kanyang pahayag.

Binatikos din niya ang timing ng reklamo, sabay sabing ito ay “planado na” at bahagi ng ‘playbook ng gobyerno’ upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa flood control corruption scandal na kasalukuyang iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Pay day and media moment lang. Mga kababayan, it’s a playbook govt is using. Planado na. Shift the blame to the enemy. PRRD, Sara, Bong and Bato. Si Sara at Bato na ang sunod dyan,” dagdag pa niya.

Giit ni Belgica, kung tunay na may layuning linisin ang pamahalaan, dapat ay “lahatan, walang pinipili” ang imbestigasyon. Hinikayat niya ang DPWH, DBM, at Blue Ribbon Committee na ilabas ang listahan ng lahat ng senador at kongresista na nagkaroon ng flood control projects mula 2022 hanggang 2025, dahil iyon umano ang tunay na ugat ng kontrobersiya.

“Wag nyo na itago. Pakita na yan sa tao at para imbistigahan na lahat,” ani Belgica. (Larawan: Greco Belgica, Antonio Trillanes / Facebook)