CAAP: Walang nakarehistrong eroplano sa pangalan ni dating Speaker Martin Romualdez
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-31 23:12:15
MANILA, Philippines — Nilinaw ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na walang nakarehistrong aircraft sa pangalan ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, matapos kumalat ang mga ulat na umano’y pagmamay-ari ng mambabatas ang ilang pribadong eroplano.
Sa opisyal na pahayag ni CAAP Director General Raul L. Del Rosario (Ret.), sinabi niyang base sa opisyal na talaan ng ahensya, wala silang natagpuang anumang eroplano o air asset na nakapangalan kay Romualdez.
“CAAP has no records of aircrafts under former House Speaker Martin Romualdez,” ani Del Rosario, bilang tugon sa mga isyung lumalabas sa social media at ilang online reports.
Dagdag pa ni Del Rosario, nananatiling mahigpit ang sistema ng CAAP sa pagre-rehistro at pagmo-monitor ng mga air assets sa bansa, at tinitiyak ng ahensya na lahat ng eroplano — pribado man o pampubliko — ay dumadaan sa tamang proseso at dokumentasyon.
Nilinaw rin ng CAAP na handa silang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon o beripikasyon upang maiwasan ang maling impormasyon hinggil sa pagmamay-ari ng mga sasakyang panghimpapawid.
Ang naturang pahayag ay layong tapusin ang mga haka-haka at maling ulat na nagdudulot ng kalituhan sa publiko hinggil sa isyu. (Larawan: Martin Romualdez / Facebook: Helicopter / Google)
