Deadma sa Bashers: Trillanes, binansagang ‘Trililing’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-31 23:54:23
MANILA, Philippines — Tila hindi natinag si dating Senador Antonio Trillanes IV sa patutsada ng dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo, matapos muling tawagin siyang “Trililing” — isang bansag na madalas gamitin ng mga kritiko upang siya’y kutyain.
Sa isang panayam, tinanong ni Panelo kung bakit umano patuloy pa ring pinapansin ng midya si “Trililing,” sabay banat ng mga salitang tila may halong pangungutya sa dating senador. “Bakit pinapatulan niyo si Trililing?” ani Panelo, na kilala sa matalas na mga pahayag laban sa mga kritiko ng dating administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Ngunit sa halip na magalit, tinanggap ni Trillanes ang pang-aasar nang may ngiti. Sa panayam ni Korina Sanchez, pabirong sagot ng dating senador, “Hindi po… Since alaskador din naman ako, ‘di I should take it.” Dagdag pa niya, sanay na siya sa ganitong banat at hindi na niya ito itinuturing na isyung dapat seryosohin.
Si Trillanes, na isa sa mga pinakamatinding kritiko ng dating Pangulong Duterte, ay madalas ding target ng mga tagasuporta ng dating administrasyon. Gayunman, ipinakita ng dating senador na nananatili siyang kalmado at matatag sa kabila ng mga pangungutya, at patuloy na magiging aktibo sa pagsusulong ng mga adbokasiyang kanyang pinaniniwalaan. (Larawan: Antonio "Sonny" Trillanes IV / Facebook)
